loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
DUYAN

DUYAN

Cold Deee · 15 chapters · 15,482 words

AUTHOR’S NOTE

Ang istoryang ito ay una kong ibinahagi sa isang patimpalak ng ‘Michael Shades of Blue M2M Fiction Writing Contest 2018’ . Isang writing contest na pinangungunahan ng isa sa mga mahuhusay, kinikilala at respetadong manunulat sa mundo ng M2M Stories na si Sir Mike Juha.

Sa nangyaring contest, sinuwerte naman na makamit ng inyong lingkod ang dalawang parangal;

  ![](https://img.wattpad.com/a0d095109d9027788fc2622a41b8fadc436391fe/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f76373155474c7a32316730416d773d3d2d3330322e313534393965643530393034626461363135363834343739383431392e6a7067)

“2nd Place for Best Story”

  ![](https://img.wattpad.com/d967c3257dab46b4fdc953eca2b7ffea0f49c32c/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f76574b4f62436d4e7344624334673d3d2d3330322e313534393965653436326134626461653532363333383333383632382e6a7067)

“2nd Place for Best Story Cover”

Ngayong ibabahagi ko ang kuwentong ito sa inyo, tulad pa rin ng aking layunin, sana ay may mapulot kayong inspirasyon at aral sa oras na matapos ninyo ang kuwento. Bagamat maikli lamang ito, hangad ko pa rin na mapasaya kayo.

Nais ko rin ipahatid ang aking taos-pusong pasasalamat sa mga taong naniwala na magagawa ko ito. Sa aking pamilya at mga kaibigan ko. Salamat din sa mga taong naging bahagi ng research at mga katanungan ko — kina Doc Ziggy (yes, siya iyong hiniraman ko ng pangalan para sa series kong SBU - King of Spades), kay sissy sharkie Jamie na siyang naging matiyaga sa aking mga tanong, kay Gee at kay Jeriker na napagtanungan ko rin ng sari-saring bagay, maraming salamat sa inyo.

Kung inyo pong matatandaan, may inanunsiyo ako dati na isang kuwentong ipa-publish ko sana sa Wattpad. Ang titulo po no’n ay ‘POSITIVE’. Ito na po iyon. Ito po ang isinali ko sa contest na kinailangan ko lang palitan ang titulo bilang ‘DUYAN’.

Salamat po sa mga nakasama ko sa contest lalong-lalo na kay Sir Mike! Magmula sa sponsors, eveluators, judges, hanggang sa kapwa ko participants. Naging malaki ang bahagi n’yo sa akin. At ang pinakanatutuwa ako, nakahanap ako ng new set of friends.

Ang kuwentong nakapaloob dito ay inspired sa tunay na buhay ng isa kong reader at naging kaibigan ko na rin. Nabuo ko ang kuwentong ito dahil gusto kong mabigyan ng pag-asa ang taong nawawalan na. Nais ko rin imulat ang mata ng mga makakabasa nito sa sitwasyong hindi gaanong nabibigyan ng pansin.

Pinakahuli, gusto kong pasalamatan ang taong kinuhanan ko ng inspirasyon. Alam kong nababasa mo itong message ko. Salamat sa tiwala mo na magagawa ko ito. Salamat sa pagbabahagi mo ng iyong buhay sa akin. Marami akong natutunan. Sa oras na mabasa mo ang kuwentong ito, sana ay makarating sa ’yo ang mensahe ko. Laban lang! Kaya natin ’to! Kasama mo kami! Marami tayo!

Sabi nga rin nina Rex at Alexis dito sa kuwento,

“Maging positibo tayo. Gawin nating inspirasyon at instrumento ang sarili natin sa iba para mabigyan sila ng pag-asa.”

“Anoman ang pagsubok na dumating ay magpakatatag tayo. Magpatuloy tayo sa buhay at manatiling….. POSITIBO.”

God bless you all! ❤

Maraming salamat po!

–– cold_deee ❤

SYNOPSIS

Synopsis:

Sa buhay ng tao, ang mga pagkakamali ay normal lamang. Ito rin ang mabisang daan upang tayo ay makakuha ng aral.

Pero paano kung ang resulta ng mga pagkakamali sa nakaraan ay madadala na natin habang-buhay?

Isang halimbawa na lamang ang nangyari kay Rex. Dahil sa pagiging mapusok at mapaglaro ay nakuha nito ang isa sa mga itinuturing na pinakamatinding sakit sa mundo. Hindi niya ito matanggap. Hindi niya alam kung paano haharapin ang bukas. Pinili na lamang niyang sumuko lalo na at tinalikuran na siya ng lahat.

Ngunit sa kalagitnaan ng pakikibaka niyang iyon, dumating naman ang isang taong handa siyang tanggapin sa kabila ng kanyang kondisyon –– si Alexis. Ano-ano pa kaya ang magiging papel nito sa buhay ni Rex?

Sinadya ba ito o itinadhana? Pinagtagpo ba sila upang may mabuksang isipan? Nangyari rin ba ang pagkikita upang ang isang pangarap ay mabigyan ng katuparan?

Tunghayan ang isang kuwentong maaaring magmulat sa atin sa reyalidad. Alamin ang pinagdadaanan ng mga taong nabibilang sa itinuturing nating ibang komunidad. Kilalanin sila at bigyan ng pagkakataon na sarili nila ay maihayag.

CHAPTER I

“Positive…”

Iyan lang ang salitang nasabi sa akin ng doktor na ngayon ay nasa aking harapan. Hawak niya ang resulta ng test na naisagawa sa akin ilang linggo na rin ang nakakaraan.

“A-ano pong ibig n’yong sabihing positive, Doc..?” nauutal kong tanong sa kanya.

Huminga nang malalim ang doktor saka ako tiningnan nang diretso.

“Rex,” pagtawag niya sa akin. “Positibo ka sa HIV. Iyon ang resulta ng lab test na isinagawa natin.” dugtong pa nitong pagkumpirma.

Nang marinig ko ang balitang iyon ay para akong pinagbagsakan ng langit. Wala na akong makita dahil tila nagdilim ang paligid.

Nagbabaka sakali pa akong negatibo ang resulta sa naunang screening na isinagawa, pero ngayong natapos na ang Western blot procedure ay kumpirmado na.

“Rex, kahit ganito ang nangyari sa ’yo, umaasa akong haharapin mo pa rin nang buong tapang ang buhay mo. Hindi rito nagtatapos ang lahat, okay? So far, wala pang nadidiskubreng gamot para mawala ang virus na dumadaloy sa katawan mo. But, pwede naman mapigilan ang pagiging active o pagkalat nito. Heto ang mga gamot na kailangan mong i-take. ’Wag ka sanang mawalan ng pag-asa dahil ––”

Natigilan ang doktor nang bigla akong tumayo mula sa aking kinauupuan. Marahas ko ring kinuha ang resulta at maging ang reseta na kanyang hawak.

“Pag-asa?! Tang*na!! Alam mo ba ’yang sinasabi mo?! Hindi ako tanga!! Alam ko ang sakit na ’to!! Paano mo sasabihin sa akin na hindi rito nagtatapos ang lahat?! Doktor ka nga pero ang bobo mo!!” sigaw ko sa kanya na sadyang ikinagulat nito.

Nakita ko kung paano siya kumilos para sana awatin o pakalmahin ako, pero bago pa iyon mangyari ay mabilis din akong lumabas ng tanggapan nito.

Malayo ito sa aking inaakala. Ang iniisip ko ay isang simpleng sakit lang ito dahil sa pabalik-balik kong lagnat at ubo, pero hindi kailanman sumagi sa akin ang ideyang dala ko ang nakakadiring sakit sa mundo.

Nabura sa akin ang salitang pag-asa. Pakiramdam ko ay pinagdamutan ako ng karapatan at iniwang luhaan. Lahat ng negatibong pakiramdam ay ibinato sa akin ngayon nang isang bagsakan.

Sa tinagal-tagal na panahon simula nang masaksihan ko kung paano nawasak ang aking pamilya, ngayon lang ulit bumuhos ang masagana kong mga luha.

Gusto kong sisihin ang doktor na nagbasa ng aking resulta. Anong alam niya?! Hindi siya ang dinapuan sakit na ’to, kaya hindi niya alam ang pakiramdam ng parang tinaningan!

Mabilis pa rin ang aking mga hakbang na sinasabayan din ng mga luha kong nag-uunahan. Umaga pa lang pero tila napakadilim na ng daan. Delubyo ang hatid ng balitang bumungad sa akin ngayong araw.

“Aray!!”

Hindi na ako nag-abala pang tingnan ang taong nabangga ko. Hindi lingid sa akin na napaupo siya sa kalsada dahil sa lakas ng pagtama ng kanyang katawan sa aking balikat. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang aking gamit sa trabaho at mga papel na kanina kong hawak.

“Tulungan na kita, Kuya! Sorry po!” paghingi nito ng paumanhin nang makaahon at dinampot din ang mga gamit kong nagkalat sa semento.

Mabilis ang aking mga pagkilos at hindi sinagot ang sinabi niya. Sa isang sulok ng aking paningin ay alam kong nakaputi siya, ngunit hindi ko makita ang kanyang mukha dahil sa naipon kong mga luha.

“Kuya, sandali! Kuya! Kuya!”

Hindi ko na siya nilingon pa. Matapos kong damputin ang aking mga gamit ay diretso na akong umalis sa pwesto naming dalawa kanina.

Kung gaano kahaba ang kalsadang aking binaybay sakay ng aking motor pauwi sa aking apartment ay tinumbasan din nito ang luha kong hindi na naputol.

Sa bawat madadaanan kong tao ay unti-unti ring nagbalik sa aking isipan ang mukha ng mga taong nagdaan sa aking buhay. Kung paano kami mabilis na nagsimula at ginawa ang makamundong bagay. Wala yata akong pinili? Basta tinawag ako ng aking laman, wala akong tinatanggihan.

Lahat ng laro ay pinasok ko. Lahat ng uri ng apoy ay sinuong ko nang walang proteksiyong ginagamit sa katawan ko. Ginawa ko ang lahat ng iyon nang may ngiti dahil naniniwala akong dapat ay maging masaya lang hangga’t nabubuhay sa mundo. Ngunit ngayong dumating sa akin ang resulta ng nakaraan ay parang gusto ko na lang maglaho.

Paano ko haharapin ang bukas kung may ganitong sakit ako? Paano ako magsisimula kung wala pang gamot dito? Higit sa lahat, ano pang silbing lumaban kung habang-buhay ko nang dala-dala ito?

Nakaupo sa sahig ng aking kwarto habang kaharap ang mga bote ng alak na iniinom ko. Nawawala na ako sa katinuan dahil paminsan-minsan kong kinakausap ang mga ito. Tumatawa habang lumuluha at may pagkakataong sila ang sinisisi ko.

“Kasalan n’yong lahat ’to! Tang*na n’yo!” panunumbat ko sa mga ito.

Ilang oras na ba ang nakakalipas simula nang madiskubre ko ang sakit na mayroon ako? Hindi ko na alam. Ang malinaw lang sa akin, inabot na ako ng hapon at ilang oras na lamang ay sasakupin na rin ng dilim ang kapaligiran.

Lalo pang umagos ang aking mga luha dahil paulit-ulit na nagbabalik sa aking isip ang sinabi ng aking mga magulang noong nakausap ko sila sa telepono kanina.

“For Pete’s sake, Rex! Magpagamot ka! Kung kailangan mo ng pera, magpapadala na lang ako sa account mo!”

“Nakakahawa ba ’yan? Magpagaling ka muna dahil baka mahawa mo ang mga kapatid mo? Nanghingi ka na ba ng pera sa ama mo? Ang pesteng ’yon, wala na talagang pinagbago!”

Natatawa ako habang patuloy na umiiyak. Pinagtatawanan ko ang aking sarili dahil sa naging katangahan.

Ano nga bang aasahan ko sa mga magulang kong matagal na akong inabandona? Na ipinagkatiwala na lang ako sa tiyahin kong buwan-buwan na lamang nilang pinapadalhan ng pinansyal kong suporta? Isang responsibilidad na lang ako sa kanila simula nang magkanya-kanya sila at makahanap ng panibagong pamilya. Ano nga bang mapapala ko sa kanila kung noon pa man ay nakalimot na silang isa rin akong anak na naghahanap ng kalinga?

“T-tita… K-kahit sana kayo na lang… Bumalik ka na lang, please..? Wala na akong malalapitan…” humahagulgol kong pakikipag-usap sa tiyahin kong ilang taon na ring namaalam. Siya ang taong kumupkop sa akin simula nang iwan ako ng aking mga magulang.

Gulong-gulo na ako. Diring-diri ako sa sarili ko. Ngayon ko nararamdaman ang pag-iisa ko. Ngayon ko naiisip na wala talaga akong silbi sa mundo.

May ilang oras pa akong nakasalampak sa sahig at sinasaid kahit ang patak ng alak. Patuloy na isinisiksik ang sarili sa isang sulok hanggang sa may pumasok na ideya sa aking utak.

Halos hindi ko maituwid ang paglalakad nang tunguhin ko ang kusina. Kasunod nito ay muli akong nagbalik sa aking kwarto bitbit ang isang bagay na sa tingin ko ay magiging solusyon sa aking paghihirap.

Pagsisisi, lungkot, pagkabigo at takot. Lahat ng iyan ay ramdam ko habang ikinakabit ang lubid sa kisame nitong kwarto.

Buo na ang loob ko, tatapusin ko na lang ang walang kwentang buhay ko. Sa tingin ko naman ay walang mali rito. Dito rin naman ang bagsak ko –– ang kamatayan at pagtatapos ng buhay ko.

CHAPTER II

Sinubukan kong pahirin ang aking mga luha habang inihahanda ang silyang aking tutungtungan, ngunit sa bawat pagtatangka kong patigilin ang bawat pagpatak nito ay mabilis din iyong nasusundan.

Hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili habang naghahanda sa aking pagpapatiwakal; Bakit ako pa? Bakit sa akin pa? Ganoon na ba ako kamalas at kahit nag-iisa na ako, hindi pa rin ako pinaligtas? Ako pa rin ang sinusundan ng maling tadhana at inilalagay sa maling landas? Ano bang naging malaking kasalanan ko para ipagdamot kahit ang maging normal lang ang buhay?

Mabigat ang aking buong katawan nang simulan kong akyatin ang silya. Hinawakan ko na ang lubid na pinaniniwalaan kong solusyon sa aking problema.

“Tao po?!! Tao po?!! Rex Jie Andrada po?!! Dito po ba siya nakatira?!!”

Natigilan ako sa paulit-ulit na pagkatok at malakas na pagsigaw mula sa pintuan.

“Tao po?!! Tao po?!! Rex Jie po?!! Tao po?!!”

Paulit-ulit pang sumisigaw ang isang lalaki at malapit na rin yata niyang wasakin ang aking bahay.

“Ano ba ’yon?!” puno ng pagtitimpi kong bungad sa lalaki.

Hindi ko na alam kung paano nangyari, ngunit natagpuan ko na lang ang aking sarili na pinagbuksan siya.

Tumambad sa akin ang lalaking nakaputi na tila isang estudyante base sa unipormeng suot niya. Maputi ito na may katamtamang pangangatawan. Hanggang leeg ko lang ang kanyang taas at may maamong mukha. Hindi pamilyar dahil ngayon ko lang siya nakita.

“Magandang araw!” masigla niyang pagbati habang nakangiti.

“Gabi na. Hindi mo ba nakikita?!” pilit ko pa ring kinokontrol ang aking sariling mapasigaw.

Lumingon pa siya nang dahan-dahan sa paligid na tila kinukumpirma kung may katotohanan ang sinabi ko sa kanya.

“Ano nga ang kailangan mo?! Saka sino ka ba?!” bulyaw ko na sa kanya makalipas ang ilang segundo.

Napapitlag siya tanda ng pagkagulat. Mabilis niya akong nilingon ngunit nasorpresa ako sa sumunod niyang ginawa.

“Papasok po ako!” wika niya at biglang pumasok sa aking bahay patungo sa mesa ng kusina ko. “Ako pala si Alexis Martinez! Ako ’yong nakabangga mo kaninang umaga malapit sa clinic ng uncle ko! Rex, right?! Kamusta?! Heto nga pala ang mga papel na naiwan mo kanina! Naihatid ko rito kasi nalaglag mo rin ang company ID mo! Kaya heto, nalaman ko ang address mo! Ang galing ko, ’no?!” mabilis niya pang pagsasalita sa masigla niya pa ring tono. Naroon na rin siya sa tapat ng mesa at prenteng nakaupo.

Gumuhit ang hindi makapaniwalang reaksyon sa akin.

Sino ba ang binatang ’to?! Hindi naman siya mukhang masamang tao, pero alam ba nito ang salitang hiya?! Pumasok na lang siya sa sarili kong pamamahay nang hindi man lang ako pinagsasalita?!

“Hhhmmm… Ganda ng inuupahan mo, ah?! Eksakto lang para sa dalawang tao! Sinong kasama mo rito?!” namamangha niya pang reaksyon habang inililibot ang kanyang paningin sa kabuuan ng aking tinitirahan.

Dito ay hindi na ako nakapagpigil pa. Mabilis akong lumapit sa kanya at hinawakan nang mahigpit ang pulsuhan niya.

“Sino ka ba?! Umalis ka na nga rito!” pagtataboy ko na sa kanya.

Sa halip na masindak siya sa akin ay mabilis niyang tinanggal ang kanyang kamay mula sa aking pagkakahawak. Kasunod nito ay tumayo siya sa kanyang inuupuan at umiwas.

“Kasasabi ko lang kanina, ’di ba?! Ako si Alexis! Saka hindi ka man lang ba magpapasalamat na hinatid ko ’yang mga gamit mo?! Magpainom ka naman ng tubig! Napagod kaya ako sa paghahanap nitong bahay mo! Hindi pa ako nakapasok sa school kanina para lang ihatid ’yang mga gamit mo!” buska nito pabalik na hindi ko alam kung nagbibiro.

Kumpirmado. Walang-hiya nga ang isang ito. Halata namang pinagtutulakan ko na siya palabas pero mukhang hindi apektado.

Tiim-bagang akong natahimik dahil sa pagkainis. At para matapos na ang kalokohang ito ay kumilos ako patungo sa refrigerator upang kumuha ng tubig.

“Pagkatapos mong uminom, umalis ka na! Kung pasasalamat ang gusto mo, sige, salamat sa paghatid mo!” muli kong pagtataboy sa kanya habang nagsasalin ng tubig sa baso.

Katahimikan ang sumunod na nangyari dahil hindi siya sumagot. Nang lingunin ko ang kanina niyang pwesto ay nagulat akong wala na siya roon.

Hinanap ko siya sa maliit kong apartment at nagulat akong naroon na siya sa pinto ng aking kwarto. Naroon siya at nakatitig sa lubid na kanina ay ikinabit ko.

Hindi ko magawang ibuka ang aking bibig upang magsalita. Ang hinintay ko na lamang ay ang magiging reaksyon niya sa kanyang nakita.

Ilang segundo rin ang lumipas hanggang sa humarap siya sa akin suot ang seryosong ekspresyon niya.

“Maglalagay ka ba ng duyan sa kwarto mo? ’Pag naikabit mo na, pwede bang pasakay ako?” tanong nito at ngumiti nang napakatamis sa dulo.

Muli ay gumuhit ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa akin.

Nagpapatawa ba ang batang ’to?! Halata namang pangbigti ’yon! Tapos, sasabihin niyang para sa duyan?!

Naikuyom ko ang aking mga kamao dahil sa inis. Nakaramdam ako ng pagkainsulto sa kanyang sinabi. Hindi ko na rin nakontrol pa ang aking sarili na magtungo sa kanyang pwesto upang hawakan nang mahigpit ang kwelyo ng uniporme nito.

“P’wede bang umalis ka na lang?!! Itigil mo na ang pagkukunwaring magkakilala tayo, okay?!! Umalis ka na!!” sigaw ko na sa kanya habang hinihila siya palabas nitong aking inuupahan.

Ang inaasahan ko ay masisindak ko siya, pero nasorpresa pa ako nang matawa siya habang patuloy ako sa pagkaladkad sa kanya.

“Oo na, oo na! ’To naman! Masyadong mainitin ang ulo!” reaksyon niyang natatawa nang mailabas ko siya sa pintuan nitong aking bahay.

Gusto ko na siyang suntukin sa mukha, pero iniisip kong kapag ginawa ko iyon ay lalo lang akong magkakaproblema. Bukod sa bata pa siya ay mukha pa siyang mahina. Kaya sa halip na magsalita akong muli ay inihanda ko nang pagsarahan siya.

“Teka, teka! Sandali lang, Rex!!” pag-awat nito at isiniksik ang kanyang sarili sa pinto. “May utang ka pa sa akin, ha?! Hinatid ko ang mga gamit mo rito, ’di ba?! Tapos hindi mo pa ako pinainom ng tubig!” nakangiti pa nitong pahabol.

“Umalis ka na!!” bulyaw ko na naman sa kanya.

Muli siyang natawa na tila naaliw pa sa pagsigaw ko sa kanya.

“Oo na, oo na! Basta may utang ka, ha?! Bayaran mo ako!” pag-uulit pa nito. “May exam din kami bukas kaya aalis na rin ako! Mahalagang makapasok ako sa school dahil baka bumagsak ako?! Naiintindihan mo?!” pagbabalita pa nito.

“Wala akong pakialam!! Lumayas ka na!!” mas malakas ko nang pagsigaw at itinulak ko na siya. Kasunod nito ay naging matagumpay na rin ako sa pagsara ng aking pintuan.

Nasabunutan ko ang aking sarili matapos ang magulong tagpo. Hindi ako makapaniwala sa nangyaring ito. Sa isang iglap lang ay nawala ang kaninang lungkot ko. Mabilis itong napalitan ng inis dahil sa lalaking nagpunta rito sa bahay ko.

CHAPTER III

Sakay ng aking motor ay nagdidikit ang mga ngipin kong bumiyahe patungo sa isang university. Gusto kong sumigaw at magmura nang paulit-ulit dahil sa galit ngunit alam kong hindi rin naman iyon makakatulong.

Habang papalapit sa lugar na aking sasadyain ay lalo pang nadadagdagan ang inis na aking nararamdaman.

Gusto ko nang makita ang Alexis na ’yon! Ayaw kong magsalita ng tapos, pero sa oras na makita ko siya, baka masapak ko na talaga siya?!

Hindi ko inaasahan na sa isang pagliko ay mabilis kong matatagpuan ang aking pakay. Ang akala ko ay mahihirapan ako dahil malaki ang university na ito, pero mukhang sinuwerte ako dahil siya agad ang nakita ko.

Naroon siya at nakasandal sa isang pader na nasa labas ng university. Sa ilalim ng puno ay nakatingala siya habang nakapikit ang mga mata. Nakangiti pa siya kahit walang kasama. Sa madaling salita, para siyang tanga.

Napadilat siya nang iparada ko sa mismong tapat niya ang aking motor. Gumuhit sa kanya ang pagtataka, ngunit nang hubarin ko ang aking helmet ay bumalik ang pag-aliwalas ng kanyang mukha.

“Rex!! Sabi ko na nga ba, pupunta ka, eh!” nakangiti niyang bungad sa akin.

Naikuyom ko ang aking mga kamao. Kasunod nito ay kinuha ko ang kanyang school ID mula sa jacket ko.

“Ayan na!!” bulyaw ko at ibinato iyon sa kanya.

Nasalo naman niya iyon, ngunit sa halip na gantihan ako sa aking pambabastos ay tila natuwa pa ito. Mabilis din siyang kumilos at nilapitan ako.

“Salamat, ha?! Bayad ka na sa isa mong utang dahil hinatid mo pabalik sa akin ’to! Hindi ako pinapasok ng guard, eh!” tila natutuwa niya pang pagbabalita sa akin.

Gusto ko sana siyang sigawan para sabihing wala akong pakialam. Gusto ko siyang tanungin kung sinadya niya bang iwan kagabi ang kanyang ID sa aking inuupahan kasama ang mga gamit na isinauli niya. Gusto ko rin alamin kung ginawa niya ba iyon para magkaroon pa kami ng pagkakataong magkita. Pero kung itatanong ko pa ang mga iyon, baka humaba pa ang usapan namin nito kaya nanahimik na lang ako.

Salubong pa rin ang aking mga kilay ay ibinalik ko ang pagkakasuot ng aking helmet. Naghahanda na akong umalis dahil sa tingin ko ay tapos na ang misyon ko rito. Pero nang simulan kong paandarin ang motor ay nasorpresa ako sa sumunod na tagpo.

“H-hoy, teka?! Anong ginagawa mo?! Bumaba ka nga rito!!” utos kong pasigaw dahil sa biglaan niyang pag-angkas sa motor ko.

“Ihatid mo ako sa bahay namin, bilis! May utang ka pa, ’di ba?! Hindi mo ako pinainom ng tubig kahapon! Muntik na akong ma-dehydrate sa biyahe!” utos naman nito sa akin at mahigpit na kinapitan ang bewang ko.

“Akala ko ba may exam ka pa?! Kaya nga hinatid ko ’yang ID mo rito dahil ’yon ang sinabi mo sa akin kagabi, ’di ba?!” bulyaw ko na naman sa kanya.

“Hayaan mo na ’yon! Kukuha na lang ako ng special exam! Saka Ninong ko ang president ng school kaya madali na lang ’yon!” mabilis naman niyang pagkontra sa akin.

Magsasalita pa sana ako, ngunit naunahan niya ako nang mabilis niyang kuhanin ang kanyang cellphone mula sa bag nito.

“Hello, Mommy?! Uuwi na po ako, ha?! Hindi ako papasok kasi may bisita akong darating! Rex Jie Andrada po ang pangalan! Maghanda ka po ng masarap, ha?! Pauwiin mo na rin si Daddy saka si Ate, please?!”

“Sige po, Mommy! I love you!”

Matapos ang pakikipag-usap niyang iyon sa cellphone ay muli itong kumapit sa bewang ko.

“Tara na?! Hinihintay na tayo ng family ko!” pagyaya na nitong nakangiti.

P’wede ko bang murahin ang isang ’to? Pambihira! Hindi man lang ba niya ako tatanungin kung ayos lang ba sa akin?! Ang sarap gulpihin pero mas delikado dahil ibinigay niya ang buong pangalan ko! Malamang ako ang pangunahing suspect kung sakaling mapatay ko ’to!

“Tang*na talaga!” bulong kong nagpipigil. “Ituro mo ang daan pauwi sa inyo!” sunod ko nang utos sa kanya.

Wala na nga akong nagawa kundi ang mapasunod na naman sa mala-budol-budol na binatang ’to. Sakay ng aking motor ay binaybay namin ang daan patungo sa bahay nito.

Hindi ako ganoon kabait, kaya nang maramdaman kong napayakap siya nang mahigpit sa aking bewang noong binilisan ko ang pagpapatakbo ng motor ay napangisi ako. Mukhang first time niyang umangkas sa motor. Kaya naman para makaganti kahit paano ay mas binilisan ko pa ito.

Naririnig ko pang nagdarasal siya mula sa aking likuran kaya hindi ko naiwasan ang matawa. Takot na takot talaga siya.

Nakarating kami sa itinuro niyang bahay at hindi ko naiwasan ang masorpresa.

“Mommy!! We’re here!!” masigla niyang pagtawag sa kanyang ina nang makapasok kami sa malaking pintuan. Balik-sigla na naman siya na parang hindi natakot sa pag-angkas kanina.

Sinalubong kami ng isang may edad at sopistikadang babae. Hinalikan niya pa ito sa pisngi bilang pagbati.

Pambihira! Rich kid pala ang lokong ’to?!

“Mommy, siya po si––”

“Rex Jie Andrada, right? Ako ang Mommy ni Alexis. How are you, hijo?” nakangiting pagputol sa kanya ng ginang at inilahad sa akin ang kamay nito.

“A-ahmm… Ayos lang po. S-salamat.” nauutal ko lang na sagot at inabot ang kamay nito.

Mabuti na lang pala at hindi ko sinaktan ang mokong kanina. Natandaan pala ng nanay niya ang buo kong pangalan.

Saglit na nagpaalam ang pasaway na si Alexis para magpalit ng kanyang damit kaya nagkaroon kami ng pagkakataon ng kanyang ina na makapag-usap. Mukhang mabait naman ito. Paulit-ulit nga nitong pinapaalala na maging ‘feel at home’ lang daw ako. Pero paano ko naman gagawin ’yon kung hindi naman mukhang bahay ang tinitirahan ng mga ito? Mansyon ’to dahil napakalaki!

Nang makababa ang kumag mula sa second floor ay saglit niya akong pinaghintay sa sala. Tutulungan niya raw muna ang kanyang Mommy at ilang kasambahay para maghanda ng pananghalian. Kailangan din daw naming hintayin muna ang kanyang Daddy at Ate na nagtatrabaho sa isang ospital.

Dumating ang tanghalian at sa wakas ay nakilala ko na rin ang kanyang pamilya. Ang Daddy niya na medyo kahawig niya, at ang Ate niyang ubod ng ganda. Tulad ng kanyang Mommy, mababait din sila. Nalaman ko rin na dalawa lang silang magkapatid. Successful surgeon ang kanyang Ate tulad ng kanyang ama.

Ang alam ko ay pananghalian lang ang aming pagsasaluhan, pero mukhang napunta ako sa piyestahan. Napakaraming pagkain sa mesa.

Nasa kalagitnaan na kami ng pagkain nang magsimulang mag-usisa ang padre de pamilya na si Mr. Andres Martinez.

“So, Alexis, siya na ba ang boyfriend mo?” kaswal at nakangiting tanong ng ginoo sa kanyang unico hijo.

Ayaw kong maging bastos, pero dahil sa aking narinig ay bahagya kong naibuga ang aking kinakain dahil nabulunan ako.

“Ayos ka lang, Rex?! Heto, tubig!” pag-aalala ni Alexis habang ibinibigay sa akin ang baso ng tubig. Nasa tabi ko siya habang nasa tapat naman namin ang Ate at Mommy niya. Ang Daddy niya naman ang nasa kabisera nitong mesa.

May ilang segundo ko pang pinapakalma ang aking sarili matapos inumin ang tubig na inabot nito.

“Are you okay, Rex?” pag-aalala ng kanyang Ate Alexandra.

“A-ahm… A-ayos na po…” sagot ko lang na nauutal dito. Pero ang totoo, hindi pa rin ako maka-recover sa nalaman ko.

Tumango-tango naman ang kanyang pamilya tanda ng pang-unawa. Kasunod nito ay nagbalik na sila sa pagkain nila.

Habang abala ang lahat ay kumuha ako ng pagkakataon para magtanong sa mokong.

“Alexis!” bulong kong pagtawag dito.

Nilingon naman niya ako habang puno pa ng pagkain ang bibig nito.

Mas lumapit pa ako sa kanya para makasigurong hindi maririnig ng kanyang pamilya ang itatanong ko sa kanya.

“Bakla ka?!”

Hindi ko alam kung bakit sa dami ng p’wede kong itanong ay iyon pa ang napili ko. Hindi kasi ako makapaniwala sa nalaman ko. Ang nakikita ko kasi sa kanya ay isa lang siyang batang lalaki na naghahanap ng makakalaro.

Naghintay ako sa magiging kasagutan niya, pero nagulat ako nang magpakawala siya ng napakalakas na tawa. Nahawakan niya pa ang kanyang tiyan at naipadyak ang kanyang mga paa dahil sa labis na pagtawa.

Agad akong nataranta dahil sa naging eksena niya. Kinabahan din ako dahil napunta sa amin ang atensyon ng kanyang pamilya na ngayon ay nagtataka.

“D-daddy! M-mommy! Ate! Tinatanong niya po kung bakla ako!!” hindi niya maiayos na pagsasalita habang tinuturo ako.

Mas lalo na akong kinabahan dahil sa pagsusumbong niya. Inihanda ko na ang aking sarili para dumepensa sakaling pagalitan ako ng kanyang pamilya. Sasabihin kong hindi naman ako tutol sa third sex dahil nabibilang din naman ako roon.

Ngunit, tila taliwas sa aking inaasahan ang magiging reaksyon nila. Matapos kasi iyon ay natawa rin sila nang bahagya. Napailing pa ang Daddy niya.

“Kayo talagang mga bata kayo! Sige na, ituloy n’yo na ang pagkain.” nakangiting pag-awat sa amin ng kanyang Mommy.

“Wait lang, Mommy! Baka kasi hindi siya makatulog kung hindi ko masagot, eh?!” natatawa pa ring kantiyaw sa akin ng mokong.

Gusto ko na siyang pektusan kaso lang ay kaharap ko ang kanyang mga magulang. Hindi ko malaman kung pinapahiya na ba niya ako o ganito lang talaga siya kakulit?

Pinakalma niya muna ang kanyang sarili hanggang sa makabawi. Kasunod nito ay hinarap niya ako nang may malapad na ngiti.

“To answer your question, Mr. Rex Jie Andrada… YES, I’m gay. Satisfied?” walang pag-aalinlangan niyang sagot sa tanong ko kanina.

Tanging pagtango lang nang marahan ang aking naitugon. Hindi na ako nag-usisa pa dahil baka kung saan na naman mauwi ang aking pagtatanong. Isa pa, naisip kong hindi na rin naman iyon mahalaga. Hindi ko na kailangan pang ungkatin ang mga bagay tungkol sa kanya dahil ito na rin ang huli naming pagkikita.

“Mag-iingat ka, ha? At kung pwede sana, bagalan mo ang pagpapatakbo ng motor mo? Baka kasi madisgrasya ka, eh.” nakangiting paalala nito sa akin habang naghahanda na akong umalis ng kanilang bahay.

Natapos ang pananghalian at naglakas-loob na rin akong magpaalam. Nakasakay na ako sa aking motor at sinimulan ko nang paganahin ang makina nito.

“Siguro naman, bayad na ako sa utang ko sa ’yo, ’no? Kwits na tayo.” tanong ko sa kanya matapos suotin ang helmet ko.

Hindi siya nakapagsalita at napansin kong nabawasan ang pagkakangiti niya. Iyon na rin ang ginamit kong pagkakataon para sabihin ang hindi ko masabi sa harapan ng kanyang pamilya.

“Wala nang dahilan para magkita tayo. Gusto ko ring malaman mo na hindi ako interesado sa buhay mo. Higit sa lahat, wala akong panahon na makipaglaro sa isip-batang kagaya mo.” wika ko at napangisi sa huli.

Iyon lang ang aking sinabi at mabilis ko na rin siyang iniwan sa kanyang kinatatayuan. Iniwan ko siyang hindi makapagsalita at bakas sa mukha ang kalungkutan.

CHAPTER IV

Tulad ng mga nagdaan, binalot na naman ako ng kadiliman. Nakasiksik sa isang sulok nitong aking kwarto habang iniisip ang aking naging kapalaran.

Hindi na rin ako nag-abala pang pumasok sa aking trabaho kahit pa patuloy nila akong tinatawagan. Wala na akong balak pang bumalik. Wala nang dahilan para manatili ako roon kahit pa isa ako sa kanilang asset.

“The fck, pare! Paano ka nagkaro’n niyan?! Putngina mo! Baka nahawa na ako sa ’yo?!”

“U-uhmmm… S-so, get well na lang, Rex. I’ll just see you kapag may time.”

“This can’t be! Nakakadiri ka, Rex! ’Wag ka nang magpapakita! Nagkakaintindihan ba tayo?!”

Hindi ko makakalimutan ang eksaktong mga salita ng itinuturing kong mga kaibigan noong sinabi ko sa kanila ang aking kondisyon. Kulang na lang ay isumpa nila ako. Kulang na lang ay sila mismo ang tumapos ng buhay ko. Hindi na nila ako binigyan ng pagkakataong magpaliwanag dahil nahusgahan na nila ako.

Hindi ko naiwasang matawa habang lumuluha. Ako ang sinisisi ngayon ng lahat, pero hindi ba nila naisip na baka sa kanila ko rin ito nakuha? Magkakasama kaming nagsasaya at nagpaparaos sa katawan ng isa’t isa. Pero ngayong ako ang unang nakadiskubre sa sakit na ito, ako na ang naging sentro.

Muli akong lumagok sa bote ng alak na nasa harap ko. Patuloy ang pagdaloy ng mga luha dahil sa pagiging miserable ko.

“Tao po?! Rex?! Nandiyan ka ba?! Si Alexis ’to! May dala akong fruit salad! Pinagawa ko kay Mommy!”

Hindi ko maikakailang nagulat ako sa naging presensiya nito. Naroon na naman siya sa aking pintuan at kumakatok. Pero sa halip na abalahin ang aking sarili na sagutin siya o pagbuksan, nanatili ako sa aking kinauupuan.

“Bukas ang pintuan! Papasok na ako, ha?!” sigaw pa nito mula sa labas.

Wala na akong pakialam sa kung ano man ang abutan niya. Sa dami ng aking problema ay wala na akong oras para pagkaabalahan pa siya.

Naririnig ko ang kanyang mga pagyapak sa sahig nitong aking bahay. Alam kong nagpunta siya sa kusina at ngayon ay tinutumbok naman ang daan patungo sa aking pinagkukulungan.

“Rex, kamusta?!” tanong niya sa masiglang tono habang nasa pintuan nitong kwarto.

Hindi ko siya sinagot. Nagpatuloy ako sa pag-inom ng alak habang patuloy pa ring umiiyak.

“Kumain ka na ba? Masama ang uminom ng alak kung wala pang laman ang tiyan mo.” muli nitong pagtatanong.

Malabo ang aking mga mata dahil sa aking mga luha, ngunit nakikita ko ang kanyang imaheng nakatingin sa akin habang suot ang ngiti niya.

Hindi siya bulag kaya alam kong nakikita niya kung gaano ako kamiserable sa mga oras na ito. Hindi rin siya bingi para hindi marinig ang mga paghikbi ko. Pero lahat ng iyon ay iniignora niya at ipinapakitang normal lang ang lahat dito.

Humakbang pa siya papasok nitong aking kwarto hanggang sa makarating siya sa tapat ng lubid na nasa kisame pa rin. Tinangala niya iyon nang may ngiti pa rin sa kanyang labi.

“Hindi mo pa pala naikakabit ang duyan? Gusto mo bang tulungan kita, Rex? Excited na kasi akong sumakay, eh.” masaya pa nitong pakikipag-usap sa akin.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking utak para magbitiw ng nakakalokong tawa. Dahil doon ay ibinalik niya sa akin ang kanyang atensyon habang suot ang ekspresyong nagtataka.

“Alam mo, Alexis?! Hindi ko alam kung isip-bata ka lang talaga o sadyang tanga?!” nakakainsultong tanong ko sa kanya habang tumatawa. “Malinaw naman, ’di ba?! Gagamitin ko ang lubid na ’yan para magpatiwakal! Gagamitin ko ’yan para tapusin na ang walang kwenta kong buhay!” dugtong ko pang pasigaw.

Nagpatuloy pa ako sa pagtawa, ngunit ilang sandali lang din ay nagbalik din ako sa pagluha. Saglit din kaming binalot ng katahimikan hanggang sa matigilan ako sa sumunod na kaganapan.

Natagpuan ko si Alexis na tumatalon at pilit na inaabot ang lubid. Nang maging matagumpay siya sa pag-abot nito ay nagulat ako nang pilit niyang idinuduyan doon ang kanyang saril.

“Wala pang duyan kaya ganito muna ang gawin natin, Rex! Itulak mo ako, bilis! Mas malakas, mas masaya!” tuwang-tuwa pa nitong utos sa akin habang nakabitin siya.

Dahil sa nangyari ay hindi ko na nakontrol ang aking sarili. Nakaramdam ako ng pagkainsulto kaya mabilis na uminit ang aking ulo.

Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at pilit na hinila ang kanyang katawan para makabitiw siya sa pagkakahawak sa lubid.

“Ginagago mo ba ako?! Narinig mo naman ang sinabi ko, ’di ba?! Magpapakamatay ako dahil wala na akong silbi, Alexis!!” sigaw ko sa kanya habang hawak nang mahigpit ang balikat niya.

Rumehistro ang pagkagulat sa kanya ngunit saglit lamang iyon.

“Hindi totoo ’yan, Rex. Maniwala ka, may halaga ka.” mahinahon niyang pagsasalita habang nakangiti.

Binitiwan ko siya at bahagyang naitulak.

“Tang*na!! Silbi?! Nagpapatawa ka ba?! Wala nang natira sa akin, Alexis!! Iniwan na ako ng lahat kahit ng sarili kong pamilya!! Pinandidirihan!! Sinusuka!! Ngayon mo sabihin sa akin na may silbi pa ako?!!” paghamon ko sa kanya.

Hindi nagbago ang kanyang ekspresyon, nanatili ang ngiti niya roon.

“Inisa-isa mo na ba ang mga kaibigan mo? Lahat ba sinubukan mo nang lapitan? Baka busy lang ang iba? Pero kung wala talagang gustong tumulong, nandito naman ako. Magkaibigan naman tayo, ’di ba?” sunod-sunod niya pang tanong.

Naikuyom ko ang aking mga kamao dahil naramdaman kong mas nagliyab sa galit ang puso ko.

“Wala ka kasing alam kaya madali mong nasasabi ’yan!” madiin kong pag-aakusa sa kanya. “Dahil kung may alam ka, baka simula pa lang, umiwas ka na! Pero hindi, eh! Para kang aso na buntot nang buntot sa amo!!” muli ko pang sigaw sa kanya.

Nasaksihan ko kung paano nabawasan ang kanyang pagkakangiti at nalungkot ang kanyang mga mata. Alam kong nasaktan siya sa sinabi ko, pero huli na para bawiin pa ito.

“H-hindi naman…” nauutal at mahina niyang pagkontra.

Dito na naubos ang aking pasensiya. Mabilis akong humakbang papalapit sa kanya at hinawakan nang mahigpit ang kwelyo ng polo niya.

Rumehistro ang takot at pag-aalala sa kanya ngunit nilabanan niya ang masamang pagtitig ko sa kanya.

“Hindi?! Put*ngina, Alexis!! Hindi ka lang pala isip-bata?!! Ubod ka nga ng tanga!!! Sinabi ko na sa ’yo, ’di ba?!! Wala akong oras na makipaglaro sa kagaya mong spoiled brat!! Na kahit anong gustuhin, nakukuha!! Na kahit anong gustong sabihin, dapat sundin!! Iba ako sa ’yo, Alexis!! Magkaiba tayo sa maraming bagay!!” mahabang panunumbat ko sa kanya.

Mukhang sa pagkakataong ito ay nasagad ko na rin ang kanyang pasensiya. Naging seryoso ang kanyang ekspresyon at pinanlisikan ako ng mga mata.

“At anong kaibahan natin?! Gaano mo na ba ako kakilala, Rex?!! Sige nga?!! Isa-isahin mo kung ano ang mga bagay na pinagkaiba natin!! Sabihin mo sa aki—”

“May sakit ako, Alexis!!! Hindi ko alam kung hanggang kailan!! Bukas?!! Sa susunod sa buwan o taon?!! Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ang buhay ko!! Hawak ko ang pinakanakakadiring sakit sa mundo!! HIV positive ako!! Narinig mo?!! HIV positive ak—”

“Alam ko!!! Alam ko, Rex!!! Alam ko simula pa noong una tayong magkita!! Alam ko ang lahat!!” sigaw niya sa akin na lubha kong ikinagulat.

Hindi ako nakapagsalita kaya nagpatuloy pa siya ngunit sa mahinahon na niyang boses.

“Kasama ng mga inihatid ko ritong mga gamit mo, nandoon din ang reseta ng mga gamot mo… Medical student ako at alam ko kung para saan ang mga ’yon…” pagbubunyag pa nito na lalong nagpatindi sa pagkabigla ko.

Nabitiwan ko nang dahan-dahan ang kanyang kwelyo. Hindi ko alam ang dapat na maging reaksyon kaya nanatili akong walang kibo.

“Virus lang ’yan na kaya mong labanan, Rex, kung pipiliin mong magpakatatag… Kailangan mo lang maging positibo sa hinaharap… Kakayanin mo ’yan kung patuloy kang lalaban…” pagpapaintindi pa nito sa akin.

“Wala kang alam.” mariin kong pagkontra sa kanya.

“Maniwala ka, Rex. Kaya kitang tulungan. Pamilya kami ng mga doktor. Kung gusto mo, sasamahan kita para maging maayos ang kondisyon mo? Kung sa tingin mo, wala kang mga kaibigang tutulong sa ’yo, nandito ako, kami nina Daddy. Ipapakilala rin kita sa mga grupong pareho ang kalagayan sa ’yo at makakaintindi sa pinagdadaanan mo.” mahaba pa nitong pagkumbinsi.

“Tumigil ka na.” madiin ko pa ring pag-awat sa kanya.

Humakbang siya palapit sa akin at sinubukang abutin ang aking kamay ngunit mabilis ko rin iyong naiiwas sa kanya. Sa halip na magpakita ng kahinaan ay mas umukit sa kanya ang determinasyon kasabay ng malapad na ngiti niya.

“Rex, naman..? Masarap mabuhay… Alam kong marami ka pang pangarap. Pwede mo pa naman maabot ’yon kahit ganyan ang kondisyon mo. Sulitin mo ang araw na dumarating sa ’yo. Magsaya ka. Lumaban ka. Masarap mabuhay, Rex. Masarap gumising sa bawat araw para magawa ang mga magpapasaya sa ’yo, ’di ba? Kaya sige na naman? Subukan mong lumab—”

“Sinabi kong tumigil ka na!!!” sigaw ko na sa kanya at muling hinawakan ang kanyang kwelyo. “Hindi mo maiintindihan dahil hindi ikaw ang nasa sitwasyon ko!! Wala kang alam dahil hindi ikaw ang dinapuan ng sakit na ’to!!” dugtong ko pang pagsigaw rito.

Kung kanina ay sinusubukan niyang magpakahinahon, ngayon ay hindi na niya iyon nakontrol.

“Ikaw ang walang alam, Rex!! Sarili mo lang ang iniisip mo!! Maraming pwedeng tumanggap sa ’yo pero sinasarado mo ’yang puso mo!! Gumising ka, Rex!! Hindi lang ikaw ang may matinding pinagdadaanan!! Maraming may ganyang kondisyon pero pinipilit nilang lumaban!! Lumalaban pa rin sila kahit alam nila kung hanggang kailan na lang sila!! Makasarili ka lang talaga kaya pikit ang mata mo para makita ang paligid mo!!” mahaba rin nitong panunumbat nang pasigaw.

Dito na tuluyang naubos ang pasensiyang inipon ko.

“Sinabi kong tumigil ka na!!!” mas malakas ko nang pagsigaw at marahas siyang itinulak na naging dahilan para mapasandal siya sa malaki kong aparador. Hindi rin nakaligtas sa aking pandinig ang malakas na pagtama roon ng kanyang likod.

Ang inaasahan ko ay magkakaroon pa kami ng mas matinding pagtatalo matapos iyon, pero natigilan ako nang bumagsak siya sa sahig at mawalan ng malay ito.

“A-alexis…?” mahina at nanlalaki ang mga mata kong pagtawag sa kanya dahil sa pagkabigla.

Wala siyang naitugon at nanatili siyang nakahiga sa semento habang pikit ang mga mata.

May ilang segundo pa akong nakatulala lamang hanggang sa magising ang aking diwa. Agad ko siyang nilapitan at inaalalayang makaahon.

“Alexis?! Alexis, gumising ka!” pagtawag ko pa rin sa kanya habang tinatapik ang pisngi niya.

Para akong nananaginip sa mga sumunod na tagpo. Nabalot na rin ako ng matinding takot nang makita ko ang pagdaloy ng dugo mula sa kanyang ilong.

“Alexis!!!”

CHAPTER V

“Leukemia… Stage four… M-may three months pa siya para mabuhay, Rex…” maluha-luhang pagbubunyag ng ama ni Alexis habang hinahaplos ang mukha ng kanyang anak na ngayon ay nahihimbing.

Parang malaking bomba ang sumabog sa aking dibdib nang marinig ko ang balitang iyon mula sa ama ni Alexis. Natulala ako at hindi nakaimik. Hindi ako makapaniwala dahil kahit ilang beses pa lang kaming nagkikita ay hindi siya nagpakita na may iniinda siyang sakit.

Naitakbo ko si Alexis sa pinakamalapit na ospital matapos ang pangyayari kanina. Hindi ko inaasahang dito ko rin makikita ang ama at kapatid niyang personal na umasikaso sa kanya.

Noong una ay nagtataka pa ako kung bakit kilala siya ng mga nurses dito nang ipasok siya sa emergency room, pero ngayong bumaba na ang tensyon ay nagkaroon na ng sagot ang katanungan kong iyon.

Ngayon ay tahimik ang buong kwarto at naiwan kami ng ginoo na binabantayan ang kanyang unico hijo. Saglit na lumabas ng silid ang ina at ate nito para pumunta sa chapel na malapit dito.

“He’s the strongest person I’ve ever known, Rex…” muling pagsasalita ng ginoo habang nakatitig pa rin kay Alexis. “Six months ago, nalaman naming bumalik ang sakit niya. Dati na siyang nagkaroon ng leukemia when he was a kid, pero nagawa naming maagapan ’yon thru bone marrow transplant. Akala namin, okay na ang lahat dahil masigla siya. Pero huli na nang malaman naming mabilis na lumala ang sakit niya.” panimula nitong salaysay.

“We were all devastated that time lalo na ang Mommy niya. We were all left crying, except him. Instead na umiyak siya, ngumiti siya sa aming lahat… He said, ‘Daddy, it’s okay. Nag-enjoy naman ako sa twenty years of existence ko kasama kayo. Sobrang blessed ko dahil sa inyo Niya ako ibinigay.’ … ’Yon lang ang sinabi niya sa amin, Rex…” mahabang paglalahad nito at hindi na rin napigilang mapaiyak.

Nanatili lang akong nakikinig dahil hindi ko rin alam ang dapat sabihin. Hanggang ngayon ay nabibigla pa rin ako sa aking narinig.

“Madalas kong sinisisi ang sarili ko dahil parang naging pabayang ama ako… Doktor ako pero hindi ko na-monitor ang kalusugan ng anak ko… Lagi kong sinasabi ’yon sa kanya… Pero ang sabi lang niya sa akin, ’Daddy, ikaw ang pinakamagaling na doktor at pinaka-best Daddy sa mundo. Mahal mo ang bawat pasyente mo. Mahal mo rin kami nina Mommy at Ate. Sobra-sobra na po ‘yon’ … ’Yan lang ang madalas niyang sabihin sa akin, Rex…” dugtong pa nito at napahagulgol na sa huli.

Parang dinudurog ang puso ko sa mga oras na ito. Ang inakala kong spoiled brat, makasarili at isip-bata ay isa palang may ginintuang puso.

“You see, Rex..? Halos nasa amin na ang lahat… May pera kami… Pamilya kami ng mga tanyag na doktor… Pero sa ganitong kalagayan ng anak ko, wala kaming magawa… Balewala ang lahat ng materyal na bagay at katangian na mayroon kami… Nawawalan kami ng silbi dahil hindi namin siya mailigtas…” muli pang paninisi ng ginoo sa kanyang sarili.

Nagbabadya na ang aking mga luhang kumawala dahil sa pagkaawa. Ngunit sa sitwasyong ito, ang tanging magagawa ko lamang ay tapikin nang marahan ang balikat ng ginoo.

Kahit pa nakikitaan ko ngayon ng panghihina ang taong ito, hindi ko maikakailang labis akong humanga rito. Mayroon siyang katangian na hinahanap ng bawat anak na tulad ko –– mayroon siyang hindi matatawarang pagmamahal sa mga anak nito.

Marahil ay nakatulong ang pagtapik ko sa kanyang balikat kaya kahit paano ay gumaan ang kanyang pakiramdam. Bahagya siyang natawa at muling hinaplos ang mukha ng nahihimbing niyang anak.

“There was a time na tinanong ko siya. May gusto pa ba siyang gawin? Puntahan? Bilhin? Handa kong ibigay ang lahat ng ’yon sa kanya, Rex. Pero alam mo ba kung anong sinabi niya? ’Daddy, gusto ko lang pong maranasang magka-boyfriend. Tapos magli-live in kami kasi hindi pa pwedeng ikasal sa Pilipinas, ‘di ba? Papayagan mo po ba ako?’” kwento pa ng ginoo. “That was the time na nalaman kong hindi babae ang gusto niya kundi kapwa niya lalaki. And you know what? I really felt bad that time, Rex. Really.” pahabol niya pang nakangiti.

Nagtaka naman ako sa kanyang sinabi. Ang akala ko kasi ay ayos lang na ganoon si Alexis.

“Don’t get me wrong, Rex,” bigla naman nitong pagbawi makalipas ang ilang sandali. “I felt bad dahil doon ko lang nalaman na may itinatago pala sa akin ang anak ko. Wala kasi akong idea tungkol sa bagay na ’yon sa kanya. Anak ko siya at tanggap ko kung ano siya. Masaya ako kung saan sila masaya.” paglilinaw pa nito sa akin.

Dahil doon ay nakahinga ako nang maluwag. Mas lalo rin tumaas ang respeto ko sa kanya. Hindi siya kagaya ng ama kong ilang taon din akong hindi kinausap noong ipinagtapat ko ang tungkol sa akin. At kahit hanggang ngayon, ramdam kong hindi niya pa rin ako tanggap.

“A couple of weeks ago, tinanong ko siya kung magkaka-boyfriend na ba siya? Sabi niya, wala pa raw siyang nakikita. Naniniwala kasi siya sa sign na makikilala niya iyon habang umuulan. At kapag nakita niya ’yon, hindi na raw niya pakakawalan. Susundan niya raw kahit saan.” pagbubukas ng panibagong paksa ng ginoo. “Tinanong ko siya, paano kung straight ang makikilala niya? Alam mo ba kung anong sinagot niya?” pagtatanong na nito ngayon sa akin.

“H-hindi po.” tipid at nauutal ko lang na sagot.

Saglit siyang natawa bago sinagot ang sariling tanong.

“Simple lang daw. Pipilitin niya raw ang lalaki at pipikutin.” wika na nito at natawang muli.

Kahit ako ay hindi naiwasang matawa dahil sa sagot na iyon ni Alexis sa kanya. Hindi ko naiwasang isipin ang hitsura ni Alexis habang sinasabi iyon sa kanyang ama. Siguro ay napaka-cute niya?

Muling namayani ang katahimikan matapos iyon. Ilang minuto rin iyon hanggang sa muling nagsalita ang ginoo sa seryoso niyang tono.

“Rex, kung sakaling magising siya at magkausap kayo, kung pwede sana, ’wag mong iparamdam na naaawa ka sa kanya. Gusto niya ang normal na pamumuhay habang nandito siya. Kung kaya mong magkunwaring walang alam, gawin mo. ’Wag mong ipapakitang kailangan siyang bigyan ng special treatment dahil ayaw niya no’n. Gusto niya kasing walang magbabago simula pa noon. Magagawa mo ba ’yon?” mahaba nitong paghingi sa akin ng pabor.

Hindi ko alam ang dapat kong isagot kaya naiwan akong tulala habang pinagmamasdan lamang si Alexis.

“Please, Rex? Kaya nga mas pinili niyang ’wag nang dumaan sa chemotherapy dahil mas makikita raw namin ang mga pagbabago sa kanya. Alam na rin naman niyang hindi rin makakatulong ang bagay na iyon dahil huli na. Lahat kami, umaasa na lang ngayon sa milagro o himala.” dagdag pa nitong pagpapaintindi.

Muli ay ay hindi ako nakaimik kaya nagpatuloy ito sa pangungumbinsi.

“Kung kakatok man siya sa bahay mo, tanggapin mo siya tulad pa rin ng dati. Kahit bilang kaibigan o barkada lang. Nakikiusap ako sa ’yo, Rex. Tatanawin kong malaking utang na loob ’yon sa ’yo hangga’t nabubuhay ako. Kahit sa huling sandali lang ng buhay niya, gawin mo sanang normal ang lahat para sa kanya.” muli niya pang pakiusap.

Bigla nang naguluhan ngayon ang aking isip. Paano ko gagawin ang bagay na iyon kung alam ko sa aking sarili ang katotohanan? Isa pa, posible bang magkita pa kami ulit sa kabila ng nangyari sa amin kanina?

“H-hindi ko po alam… Hindi ko maipapangako…” umiiling at naguguluhang sagot ko.

Alam kong handa niyang gawin ang lahat para sa kanyang anak, pero nang isagot ko iyon ay tila ba nawalan siya ng pag-asa. Tila isang malaking kabiguan ang ibinigay ko sa kanya.

Gano’n pa man, makalipas ang ilang segundo ay tumango ito na tila iniintindi ang sitwasyon ko. Kasunod nito ay tinapik niya ang aking balikat nang paulit-ulit saka tumayo sa kanyang pwesto.

“Maiwan na muna kita. Pupuntahan ko lang ang mag-ina ko sa chapel. Pag-isipan mo rin sana ang hinihingi ko sa ’yong pabor.” pagpapaalam na nito sa akin na sinagot ko lang ng marahang pagtango.

Naiwan ako sa silid habang pinagmamasdan si Alexis. At habang ginagawa ko iyon ay naging abala ako sa pag-iisip.

Tinatanong ko ang aking sarili kung nakatadhana bang magkita kami?

Ilang araw ko pa lang siyang nakikilala pero naging malaki na ang epekto niya sa akin. Miserable ako dahil sa aking sitwasyon, ngunit dumating siya na may mas malala pang kondisyon.

Hindi ko alam. Hindi ko alam ang kasagutan.

Sa hindi ko malamang dahilan ay naging matiyaga ako sa paghihintay. Mayroon sa aking sarili na gusto kong makitang bumukas ang kanyang mga mata. Kaya kahit binigyan na ako ng pahintulot ng kanyang pamilya para umuwi at makapagpahinga ay nagmatigas akong magbabantay sa kanya.

“R-rex…”

Nagising ako sa mahabang pagkakatulala nang marinig ko ang mala-anghel na boses na iyon.

“A-alexis…” nauutal kong pagtawag sa kanya nang magtagpo ang aming mga mata.

Nasaksihan ko kung paano gumuhit ang tipid niyang ngiti sa kabila ng kanyang panghihina.

“Alam mo na..?” tanong niyang nanghihina sa akin.

Alam kong ang tinutukoy niya ay ang tungkol sa kanyang sakit. Naalala ko ang naging bilin sa akin ng kanyang ama kaya hindi ko malaman kung paano siya sasagutin.

“Silence means yes…” bigla niyang pagbasag sa aking pananahimik.

Napayuko na lamang ako dahil sa pagkabigo. Hindi ko nagawang magkunwaring walang alam tulad ng hiniling ng ama nito. Huli na rin para bawiin ang naging katangahan ko.

May ilang minutong katahimikan ang namayani hanggang sa basagin niya itong muli.

“’Wag ka nang pupunta rito…”

Mabilis kong naiangat ang aking mukha dahil sa pagkasorpresa. Agad sana akong tututol ngunit hindi ko na iyon naituloy nang salubungin niya ako ng mas malawak na ngiti niya.

“Kailan mo ikakabit ang duyan..? Gusto ko na kasing sumakay roon, Rex…” tanong nito sa malambing niyang tono.

Nang marinig ko iyon ay mabilis na gumuhit ang ngiti sa labi ko.

Ngayon ay naiintindihan ko na. Ayaw niyang makita ko siya sa ganitong kalagayan kaya pinapaalis na niya ako. Tulad ng sinabi ng kanyang ama kanina, gusto nitong maging normal pa rin ang lahat.

“Mmmm…” naisagot ko lang habang nakangiti at tumatango sa kanya.

CHAPTER VI

Napangiti ako matapos ikabit ang duyang yari sa abacá sa aking kwarto. Malaki ito at maaaring sumakay kahit ang dalawang tao.

Mahigit isang linggo rin ang ginugol ko sa paghahanap at pagbuo nito. At sa bawat araw na nagdaan ay hindi nawawala sa akin ang pag-asang may kakatok sa aking bahay para tanungin kung kailan ko matatapos ang pagkakabit nito.

Hindi ko rin minsan maiwasan ang matawa dahil nagamit ko ang lubid na ikinabit ko noong sinubukan kong tapusin ang buhay ko. Iniisip kong ito talaga ang dahilan ng pagsabit ko nito at hindi ang pagbibigti.

“Tao po?! Rex Jie Andrada?! Nasa loob ka ba?! Papasok na ako, ha?!”

Napapitlag ako sa mga pagtawag na iyon na sinasabayan pa ng malakas na pagkatok. Parang lalabas ang puso ko sa dibdib nang muli kong marinig ang kanyang tinig. Isang linggo ko rin hinintay ang kanyang pagbabalik. At ngayong nandito na siya, hindi ko maiwasang makaramdam ng saya.

“Ikaw na naman?! Anong ginagawa mo rito?!” bungad ko nang mapagbuksan ko siya ng pintuan. Sinikap ko ring maging seryoso ang aking ekspresyon. Sinusubukan kong maging magaling na aktor sa pagpapanggap na ang presensiya nito ay hindi ko gusto. Tulad ng kahilingan ng kanyang ama, gagawin kong normal tulad dati ang pakikitungo sa kanya.

Nagkamot siya ng ulo habang may alanganing ngiti ito. Hindi ko maintindihan, pero habang nakikita kong maayos na ang kanyang kalagayan at masigla na siya ay parang gusto kong yakapin nang mahigpit ang kanyang katawan.

“Papasok ako!!” bigla niya lang sambit at agad na isiniksik ang kanyang sarili para makapasok ng bahay ko.

“Teka, teka, teka?!!” mabilis kong pag-awat sa kanya dahil binalot ako ng pagtataka. “Ano ’yan?! Bakit may mga dala kang bag?!” sunod ko pang tanong habang tinuturo ang kanyang hawak.

Binitiwan naman niya iyon, ngunit sa halip na sagutin ang aking tanong ay kinuha niya muna mula sa kanyang bulsa ang kanyang cellphone.

“Hello, Daddy?! Nandito na po ako!”

“Opo! Dadalaw na lang po kami sa inyo!”

“Ano po?! Kakausapin n’yo siya?! Sige po!”

Iyan lang ang mga narinig ko mula sa kanya. Kasunod nito ay halos isubsob na niya sa akin ang cellphone dahil sa pag-abot nito nang sapilitan.

“H-hello po, Dok?” alanganin kong pagsagot sa tawag.

Narinig ko ang pagtawa ng ginoo mula sa kabilang linya sa hindi ko malamang dahilan.

“I’m sorry, Rex,” bungad nito sa aking natatawa. “Pero mukhang pinipikot ka na ng anak ko? Alagaan mo siya, ha? Pwede mo na rin akong tawaging Daddy kung gusto mo?” dugtong pa nito.

Rumehistro ang hindi makapaniwalang ekspresyon mula sa akin. Hindi ko magawang makapagsalita, kaya ang panonood na lang kay Alexis habang papasok ito sa aking kwarto dala ang kanyang mga bag ang aking nagawa.

“Rex,” muling pagtawag sa akin ng ginoo makalipas ang ilang segundo sa seryoso na nitong tono.

“P-po..?” nauutal ko lang na sagot dito.

“Ilang buwan lang… Nakikiusap ako sa ’yo, ilang buwan lang ang hihingiin ko para sa anak ko…” emosyonal nang pagpapatuloy nito.

Hanggang ngayon ay nasosorpresa pa rin ako sa bilis ng mga pangyayari. Pinag-iisipan ang magiging sagot ko sa sinabi ng ama ni Alexis.

Dahan-dahan ay naglakad ako sa aking kwarto habang nakadikit pa rin sa aking tainga ang telepono. Bumungad sa akin ang taong malawak ang pagkakangiti dahil tuwang-tuwa itong nakasakay sa duyan na ikinabit ko.

“Duyan?! Duyan!!” pabulong ngunit tila sumisigaw siya habang itinuturo sa akin ang kanyang sinasakyan.

Habang pinagmamasdan ko ang kasiyahan ni Alexis sa mga oras na ito ay kusang gumuhit ang malapad na ngiti sa labi ko.

“Rex?” muli kong narinig na pagtawag sa akin ng ginoo mula sa kabilang linya.

Nakatitig pa rin ako kay Alexis nang sagutin ko siya.

“Makakaasa po kayo. Aalagaan ko siya……

…. Daddy.“ nakangiti at determinado kong sagot sa ama ni Alexis.

CHAPTER VII

Lumipas ang halos dalawang linggo kasama si Alexis sa iisang bubong ay naging napakagaan ng mga araw ko. Sabay na gigising sa umaga at masayang pagsasaluhan ang niluluto naming almusal. Yayayain akong maglakad-lakad sa park malapit sa amin at kung minsan ay pipilitin niya akong mag-exercise. Manananghalian nang sabay at manonood ng paborito niyang K-drama sa hapon. At sa pagsapit ng gabi, matutulog kami nang magkahiwalay.

Hindi nga kami magkatabing natutulog kahit pa sinabi ng kanyang Daddy na posibleng pinipikot na nga ako ng anak niya. Sa kama ako natutulog habang siya naman ay sa duyan. Ang dahilan niya kung bakit hindi pa kami pwedeng magtabi? Hindi naman daw kami mag-boyfriend.

Gusto kong magmura noong sinabi niya iyon. Hindi ko alam kung matatawa o maiinis ba ako? Pumunta siya sa aking bahay at sapilitang tumira nang walang pahintulot ko, pero heto siya at parang dalagang nagpapakipot.

Nilingon ko siya mula sa aking tabi. May kalamigan ang simoy ng hangin na ngayon ay itinatawid ng karagatan. Animo’y nakikipaglaro kami sa pino at puting buhangin na aming nilalakaran. Dinadama ng aming mga hubad na paa ang humahaplos na tubig ng dagat. At dahil sa walang katao-tao ngayon dito, tanging ang tunog ng mga alon lamang ang nagiging musika sa pandinig namin nito.

“Alam mo bang gustong-gusto ko ang dagat, Rex? Kaya salamat dahil pinagbigyan mo akong magpunta rito sa beach. Ang saya-saya ko!” tuwang-tuwa nitong pagbabalita habang pinagmamasdan ang bakas ng kanyang mga paa mula sa buhangin na aming nilalakaran.

“Sirena ka kasi kaya gusto mo ng dagat.” seryoso ang ekspresyon kong pang-aasar sa kanya.

Napatigil siya sa kanyang paglalakad at napasimangot nang malala. Nagpatuloy naman ako sa paglalakad at nilampasan siya. Nang masigurong hindi na niya makikita ang aking mukha ay doon ko inilabas ang aking tawa.

Nagyaya siyang magtungo rito sa beach dahil matagal na raw niya itong hindi nagagawa. Kaya kahit ilang oras ang kailangan naming lakbayin ay ayos lang sa amin. Sulit naman dahil sa napakagandang tanawin.

Mukhang napikon talaga siya sa aking sinabi dahil hindi ko na naramdaman ang paglalakad niya para makabalik sa aking tabi. Dahil doon ay tumalikod ako para makita ang reaksyon niya. At hindi nga ako nagkamali, pinanlilisikan na niya ako ng mata.

May dalawang metro rin siguro ang layo namin sa isa’t isa, ngunit malinaw sa akin na kahit galit na siya ay cute pa rin siya. Hindi ko maipaliwanag, pero habang tumatagal na nakikita ko ang kanyang mukha ay parang gusto ko na lang siyang hatakin para ikulong nang mahigpit sa aking bisig.

“Sirena–– Este, Alexis pala,” pagtawag kong nang-aasar pa rin sa kanya.

“Hindi ka na nakakatuwa. Tao ako, Rex!” madiin nitong pagkontra sa akin. Napipikon na talaga siya.

“Bakit ako?” bigla kong tanong sa kanya suot na ang ngiti ko.

Rumehistro ang pagtataka sa kanya tanda na hindi niya naintindihan ang katanungan ko.

“Bakit ako ang kailangan mong sundan? Bakit ako pa ang napili mong ’wag pakawalan? Sabihin mo nga sa akin ang totoo. Pinipikot mo ba ako?” sunod-sunod kong tanong dito.

Nasaksihan ko kung paano mula sa pagtataka ay naging malikot ang kanyang mga mata.

“S-saan mo naman nakuha ang idea na ’yan..?” natataranta niyang tanong sa akin.

Natatawa ako dahil hindi siya mahusay magsinungaling.

“Hindi na importante ’yon. Sagutin mo na lang ang tanong ko.” paglilihis ko naman sa katanungan niya. Hindi ko naman pwedeng ibuking si Daddy.

Saglit siyang hindi nakaimik, ngunit kasunod nito ay tiningnan niya ako nang tuwid.

“Kung pipikutin kita, papalag ka ba?” seryoso niyang tanong sa akin.

“Bakit? Gaano ka kasigurado na magpapapikot ako sa ’yo? Hindi mo man lang ba naisip na baka straight ako?” mapanghamon kong tanong sa kanya.

Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo ngayon sa isip niya, pero natigilan ako nang biglang gumuhit ang pagngisi sa kanya.

“’Wag mo akong maliitin, Rex. Kahit para akong bata kung kumilos, mas matalino pa rin ako sa ’yo,” pagyayabang nito na ikinatahimik ko. “Noong araw na napulot ko ang reseta at company ID mo, na-stalk na kita sa Facebook. Kaya nga gabi na ako nakarating sa bahay mo, ’di ba? Nakita ko ang mga public photos mo roon. Kung sino-sinong lalaki at babae ang mga nakakasama mo. Hindi ako manhid para hindi malaman kung ano ang ugnayan n’yo ng ilang mga katabi mo. Masyado kayong showy. Ganyan na ganyan ang mga napapanood kong K-Drama.” mahaba pa nitong pagbubunyag sa akin.

Sa ilang bahagi ng kanyang mga sinabi ay binalot ako ng matinding kalungkutan. Hindi siya nagkamali sa kanyang mga idinetalye. Lahat yata ng mga nakasama ko sa mga larawang iyon ay nakaniig ko na. Kaya nga hindi na nakakapagtakang nahawaan ako ng ganitong uri ng sakit.

“Hindi ka ba nandidiri, Alexis? HIV positive ako. Hindi ka ba natatakot na baka mahawaan kita? Hindi ka ba nasusuka tuwing kasama mo ak––”

“Hindi!” mabilis niyang pagputol sa akin. “Hindi naman siguro ako titira kasama ka kung nandidiri ako sa ’yo, ’di ba? Hindi naman nakakahawa ang kondisyon mo sa simpleng hawak lang ng kamay, pagdikit ng pawis, o kahit ang paggamit natin ng iisang baso. Rex, nakalimutan mo na ba? Medical student ako kaya alam ko kung paano makakakuha niyan. Kailangan ko pa bang isa-isahin ang dahilan ng pagkakaroon ng HIV?” mahaba nitong pagpapaintindi.

Saglit akong natahimik sa mga sinabi niyang iyon. Nagpapakita siya ng tapang at determinasyon. Pero mayroon sa aking sarili na tila hindi pa rin ako makumbinsi.

“Pero bakit ako, Alexis? Bakit ako pa ang napili mo? Marami naman diyan, ’di ba? Hindi lang ako ang may ganitong sakit. Bakit ako pa?” sunod-sunod kong tanong sa kanya.

Hindi ko alam kung anong mayroon, pero matapos kong itanong iyon ay mabilis siyang napangiti.

“Exactly, Rex. Hindi lang ikaw ang mayroon niyan,” panimula niya at saglit na tumigil. “Marami kayo, marami tayo. Hindi ka nag-iisa kaya kailangan mong magpakatatag. Marami sa atin ang gusto pang madugtungan ang buhay kabilang na ako. Pero sa katulad kong naideklara na ang magiging katapusan, dapat mong isipin na maswerte ka pa rin. Kaya mo pang magpatuloy, Rex, kung ’yon ang iyong pipiliin at gugustuhin.” mahaba pa nitong pagpapaintindi sa akin.

Bakit ba ganito ang taong ito? Kamatayan na ang pinag-uusapan namin, pero heto siya, nagagawa niyang ngumiti na parang maliit na bagay lang ito sa kanya.

“Lumaban ka, Rex. Ikaw ang magdugtong sa mga buhay naming hindi pinalad. Ipagpatuloy mo ang laban natin. Ikaw ang magtupad sa mga bagay na gusto naming gawin. Ipakita mong sa kabila ng pinagdadaanan ng mga tulad natin, pinahahalagahan natin ang buhay na ibinigay sa atin. Maging positibo ka. Gawin mong inspirasyon at instrumento ang sarili mo sa iba para mabigyan sila ng pag-asa.” muli pa nitong pagkumbinsi.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang magsalita dahil sa pag-iisip. Ngunit sa mga oras na ito, unti-unti ko nang nakikita ang sagot sa mga katanungan ko.

“Hindi pa naman huli sa ’yo ang lahat, ’di ba? Magsimula ka ulit. Itama mo ang mga bagay sa nakaraan mo na sa tingin mo ay mali. Iyon lang ang kailangan mong gawin para maging matagumpay sa laban natin, Rex. At umasa ka, hindi ka pa rin nag-iisa. Babantayan at panonoorin ko ang magiging tagumpay mo kahit saan ako mapunta.” huli nitong pagkumbinsi sa akin.

Sa kanyang mga huling kataga ay tuluyan na akong nakumbinsi.

Tama siya, hindi ako nag-iisa. Marami kami ngunit iilan lang sa amin ang nabigyan ng tiyansa. Mabibilang lang ang nabigyan ng pagkakataong magpatuloy sa buhay nila at isa na ako roon. Wala man lunas ang sakit ko sa ngayon, may bukas pa. Hindi ako dapat mawalan ng pag-asa. Hindi pa huli ang lahat para patunayang ang tulad ko ay may halaga.

Sa dami ng kanyang sinabi ay sa isang bagay ako mas nakaramdam ng tuwa. May makakasama na ako. Iyon lang naman ang kailangan ko dahil iyon ang wala sa akin simula pa noon.

Unti-unti ay gumuhit ang ngiti sa labi ko. Ngayon ay masasabi kong handa na ako. Haharapin ko nang buong tapang ang pagsubok kong ito. Magpapakatatag ako dahil pinanghahawakan ko ang mga salita ng isang anghel na nakatayo ngayon sa harap ko — si Alexis.

“Paano ’yan, Alexis? Hindi ako ang ideal boyfriend mo dahil wala sa akin ang sign na hinahanap mo. Noong una tayong nagkita, hindi umuulan. ’Di ba, ’yon ang sign na hinihingi mo para matagpuan ang magiging boyfriend mo?” tanong ko sa kanyang nakangiti.

Ang inaasahan ko ay mapapaisip siya sa aking sinabi, ngunit nagtaka ako nang mas lumawak pa ang kanyang pagkakangiti.

“Hindi lahat ng ulan, nagmumula sa ulap o ibinabagsak ng langit. Kung minsan, inilalabas ’yon ng ating mga paningin.” pagkontra niya na bahagyang ipinagtaka ko. “Naaalala mo ba na umiiyak ka noong una tayong nagkita, Rex? Umuulan ng luha ang mga mata mo. At noong mga oras na iyon, nasabi ko na rin sa sarili ko, ikaw ang hinahanap ko.” pagbubunyag pa nito.

Mali. Doon siya nagkamali sa huli niyang sinabi. Dahil kung may isang tao na nagtagpuan ang hinahanap, walang iba ’yon kundi ako. Dumating siya sa oras na kailangan ko ng makakasama at magliligtas sa madilim kong mundo.

“Alexis na sirena!” pagtawag kong bahagyang natatawa.

Mula sa pagkakangiti ay nagbalik ang pagsimangot niya. Lalo pa siyang naging cute dahil sa magulo niyang buhok na tila nilalaro ng hangin.

Hindi ko na hinintay pang makapagsalita siya o magreklamo. Agad kong sinabi ang tunay na dahilan kung bakit tinawag ko ang napakagandang pangalan nito.

“Papayagan mo ba akong maging boyfriend mo? Gusto kong maging official tayo. Ikaw bilang sirena ng buhay ko, at ako bilang syokoy ng buhay mo.” nakangiti at determinado kong tanong sa kanya.

Kung malapit lang siya sa akin, siguradong nakurot ko na siya sa pisngi. Nakita ko kasi ang kanyang pagkataranta. Natahimik din ito dahil sa pinaghalong hiya at pagkasorpresa.

Ngayon naman ang aking pagkakataon para magsalita kaya naman sinamantala ko na.

“Lalaban ako, Alexis. Pero gusto ko, kasama kitang lumalaban. Lumaban ka rin. Sabay tayong magsasaya at magpapakatatag. At kahit sa pinakamatinding pagsubok ng sakit natin, gusto kong nasa tabi lang kita. Makakaasa ba ako?” ako naman ang kumukumbinsi sa pagkakataong ito.

Nang marinig niya iyon ay nagliwanag ang kanyang mga mata.

“Mmm!! Makakaasa ka, Rex! Lalaban ako! Sasamahan kita kahit saan pa ako mapunta! Magkasama nating haharapin ang lahat!” sagot niyang masigla at determinado.

Sapat na ang kanyang kasagutan para maigalaw ko ang aking mga paa. Nasaksihan ko rin kung paano siya gumalaw mula sa kanyang pwesto para salubungin ang paglapit ko sa kanya. At dito nga sa dalampasigan, naganap ang unang yakap naming dalawa.

“Iiiihhh! May boyfriend na ako!” bulong nito habang kulong siya ng bisig ko.

Hindi ko napigilan ang matawa dahil sa naging reaksyon niya. Pero sa kabilang banda, hindi ko maikakaila sa aking sarili ang nag-uumapaw ko ring saya.

May ilang minuto rin naming dinama ang yakap ng isa’t isa hanggang sa bahagya siyang kumalas upang magtagpo ang aming mga mata.

“Rex,” pagtawag niya sa aking nahihiya. “U-uhmm… ’Di ba, ’pag magboyfriend… dapat… hinahalikan din sa lips?” sunod niya pang pagtatanong.

Hindi ko alam kung matatawa ba ako nang marinig ko iyon. Ganoon na ba siya magmadali at gusto na niyang mangyari ’yon?

Magpapaliwanag sana ako sa kanya ngunit hindi na iyon nangyari nang biglang umusli ang nguso nito.

“Halikan mo na ako, bilis! Pero dahan-dahan lang, ha? First time ko, eh! Saka ’wag ka nang kumontra para sabihing baka mahawa ako sa ’yo! Hindi nakakahawa ang HIV dahil lang sa halik! Kaya bilisan mo nang kumilos diyan! Dali! Dali!” utos niya pa at muli na namang ngumuso.

Dito ay hindi ko na napigilan ang pagtawa ko. Ang cute talaga ng taong ito!

“Hindi naman kailangang ganyan, Alexis! Para kang ibon na may mahabang tuka!” pagsaway ko sa kanyang natatawa.

Mabilis naman niyang binawi ang pagnguso at nakita kong bahagya siyang nahiya. Kaya naman bago pa kami magkaroon ng unang pagtatalo ngayong magboyfriend na kami ay agad din akong nagpaliwanag.

“Pumikit ka lang, sapat na. Ako na ang bahala para sa first kiss nating dalawa.” malambing ko nang utos sa kanya.

Muling nagbalik ang ngiti sa kanyang labi. Hindi na siya nagsalita pa dahil ang kasunod nito ay ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Nagmamadali talaga siya.

Pinagmasdan ko muna siya ng ilang segundo. Kumpirmado, isa nga siyang anghel na dumating sa buhay ko. Napakaamo ng kanyang mukha na kung mapapatingin sa kanya ay kusa kang makakalma.

Unti-unti ay inilagay ko ang aking mga palad patungo sa kanyang mga pisngi. Inihanda ko na ang aking sarili sa pagtatagpo ng aming mga labi. Dahan-dahan ay ipinikit ko na rin ang aking mga mata at kumilos sa kanya papalapit. Sa bawat pagliit ng aming distansya ay naramdaman ko rin ang pagbilis ng tibok ng puso kong nagtatago sa aking dibdib.

Ilang segundo nga lamang ang aking binilang. At dito pa rin sa dalampasigan, naganap ang unang halik naming magkasintahan. Naramdaman namin ang labi ng isa’t isa habang saksi ang malakahel na kalangitan.

Napangiti kaming pareho makalipas ang ilang sandali at nagtapos kami sa pagyakap nang mahigpit.

“Rex…”

“Hhhmmm..?”

“Virgin pa ako… Baka naman…?” walang pag-aalinlangan niyang tanong.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa pagkabigla. Mabilis ko siyang hinawakan sa magkabilang balikat at itinulak nang bahagya.

“Nababaliw ka na ba?! ’Wag mo sabihing hindi mo alam na pwede kang mahawa kung gagalawin kita?!” sermon ko na sa kanya.

“Magko-condom ka naman, eh!” seryoso niya pa ring pakikipagtalo.

“Uhm!” hindi ko na nakontrol ang aking sarili na pitikin nang marahan ang kanyang noo. “Kahit na! Tumigil ka na kung ayaw mong mag-away tayong dalawa!” pagsaway ko na ngayon sa kanya.

Napanguso naman siya dahil sa pagkadismaya.

“Sige na nga… Yakap na lang ulit!” pagsuko na lang nito at nagpakulong na naman sa bisig ko.

Napapailing na lang ako habang natatawa dahil sa nangyari. Ibang klase talaga siya. Nagagawa niya akong mapasaya sa mga simpleng pananalita niya.

Kung tutuusin, masaya na ako sa presensiya pa lang niya. Masaya na ako na alagaan lang siya. Para sa akin, isa siyang babasaging kristal na dapat ingatan. Walang katumbas ang tulad niya kaya dapat ay pahalagahan.

Isa pa, kung mangyayari man ang bagay na iyon, ’wag naman sa dalampasigan. Sapat nang dito naganap ang una naming yakap at halik. Hanggang doon na lang.

CHAPTER VIII

Nagising ako dahil sa liwanag na tumatama sa mata ko. Hindi ko alam kung napasarap lang ba ako sa tulog o napagod dahil sa matagal kong pag-ugoy kagabi sa duyan?

Lumingon ako sa aking tabi at natagpuan ko si Alexis. Nakahiga pa rin siya sa aking braso at mukhang nasa kasarapan pa ng tulog ito. Hindi ko naiwasang matawa nang mahina dahil naroon pa rin ang tali na inilagay ko sa kanyang buhok. Nagmukha tuloy siyang may maliit na puno sa ulo. Iyon kasi ang napagkatuwaan ko kagabi bago kami matulog.

Nangyari ang kauna-unahang beses na nagtabi kami. Dito sa duyan na kanyang paboritong sakyan, inanyayahan niya akong matulog para mayakap nang mahigpit.

Ilang segundo ko rin siyang tinitigan hanggang sa maligaw ang aking mga mata sa kanyang dibdib dahil nakasuot lamang ito ng sando. Iniisip kong, kung noon ko pa siya nakilala, marahil ay nagalaw ko na siya? Masyado akong mapusok at walang sinasanto basta’t gugustuhin ko. Pero sa kabilang banda, sa tingin ko ay magdadalawang-isip pa rin ako. Tulad nga ng aking sinabi, para siyang kayamanang dapat ingatan. May katangian siyang hindi ko nakita kanino man.

Inilibot ko pa ang aking paningin sa kanyang katawan. Nang makita ko ang ilang mga pasa sa kanyang balat sanhi ng kanyang karamdaman ay hindi ko naiwasang balutin ng kalungkutan.

“Laban lang, Alexis…” bulong ko sa kanya at hinalikan ang kanyang noo.

Naging maingat ako sa pagkilos upang makababa mula sa duyan. Nilagyan ko pa ng unan ang tabi ni Alexis para maging dantayan.

Nakaisip ako ng ideya kung paano sisimulan ang araw namin ni Alexis kaya agad akong naghanda para lumabas ng bahay. Gusto kong maging espesyal ang araw na ito ganoon din ang mga susunod.

May kalahating oras din siguro ang aking ginugol para magawa ang aking nais. Nakangiti pa akong naglalakad pabalik sa aming apartment ngunit natigilan din ako nang may tumawag sa akin.

“’Tol! Bilisan mo! May sumisigaw kanina sa bahay mo! Tropa mo ba ’yong bebe peys?!” pagbabalita sa akin ng isang tambay.

Iyon pa lang ang narinig ko pero agad na akong binalot ng takot. Dala sa aking dibdib ang labis na pag-aalala kay Alexis ay tinakbo ko na ang aking bahay.

Nang makarating ako sa pintuan ay muli na naman akong natigilan dahil sa aking naabutan. Naroon si Alexis na halatang natataranta. Salitan niyang binubuksan ang refrigerator at ang washing machine na malapit sa CR.

“Alexis?!”

Mabilis siyang humarap sa akin nang marinig ang pagtawag kong iyon. Ngayon ay nakumpirma ko ang labis niyang pag-aalala dahil napansin kong nangingilid na rin ang kanyang mga luha.

“Saan ka ba nagpunta..?” mangiyak-ngiyak niyang tanong sa akin.

Naguguluhan pa rin ako sa kanyang ikinikilos ngunit sinikap ko siyang sagutin.

“L-lumabas lang ako sandali para bumili ng ingredients sa almusal natin… Magluluto sana ako ng sopas…”

Napansin kong tiningnan niya ang aking bitbit mula sa pamimili. Hindi na rin siya nagsalita kaya iyon na rin ang ginamit kong pagkakataon para makapasok ng bahay. Kahit paano ay nakahinga na rin ako nang maluwag dahil mukhang ayos lang naman siya.

“Ano nga pala ang hinahanap mo sa ref at washing machine? May nawawala ka bang gamit?” tanong ko habang inihahanda sa mesa ang aking mga lulutuin.

“Ikaw…” sagot niyang naiiyak pa rin. “Ikaw ang hinahanap ko ro’n…” dugtong niya pang lubha kong ikinagulat.

“Ako?!” paniniguro kong medyo pasigaw. “Sa washing machine at ref mo talaga ako hahanapin?! Anong gagawin ko diyan?!” sunod-sunod ko nang tanong.

“Nataranta na ako, eh! Bakit ba kasi hindi ka nagpaalam?! Iniwan mo lang ako sa duyan!” pakikipagtalo naman niya sa akin.

Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa mga oras na ito o dapat akong maging seryoso? Hanggang ngayon kasi ay bakas pa sa kanyang mukha ang takot.

Sa halip na sumagot pa ako sa kanya pabalik ay dahan-dahan ako sa kanyang lumapit. Kasunod nito ay niyakap ko siya at hinalikan ang buhok niyang nakatali pa rin.

“I’m sorry, okay..? ’Wag ka nang magalit. Next time, magpapaalam na ako. Promise.” tuluyan ko nang pagsuko sa baby kong napaka-cute.

Mukhang madali naman siyang makumbinsi dahil ginantihan niya rin ang yakap ko. Napangiti na lang ako dahil sa saya. Napakasarap pala sa pakiramdam na may nakakasama at paminsan-minsan siyang nag-aalala? Nakikita ko ang aking halaga.

Saglit pa kami sa ganoong posisyon hanggang sa magdesisyon na rin akong ituloy ang plano kong pagluluto. Balik-sigla na rin si Alexis na animo’y hindi kami nagkaroon ng maliit na pagtatalo. Tinulungan niya pa akong magluto at hindi nawala ang paglalambing nito.

“Uminom ka ng gamot mo after mong kumain, ha?” paalala ko sa kanya nang simulan na naming kainin ang sopas.

“Ayaw ko nga,” sagot niya na naging dahilan para tingnan ko siya nang masama. “Ayaw kong inumin ’yon hangga’t hindi mo rin iniinom ang mga gamot mo. Napansin kong may mga gamot ka nga, pero hanggang ngayon, wala pa ’yon bawas.” seryoso pa nitong dugtong.

Natahimik ako sa binitiwan niyang mga salita kaya nagpatuloy pa siya habang nakatingin nang tuwid sa akin.

“Rex, kailangan mong inumin ang mga ’yon para labanan ang pagkalat ng virus sa katawan mo. Naiintindihan mo?” pangungumbinsi niya sa akin.

Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang dinidiktahan ako. Pakiramdam ko kasi ay may kumontrol sa buhay ko. Pero nang si Alexis ang mag-utos sa akin ay napangiti na lang ako.

“Oo na po,” pagsang-ayon ko sa kanya at kinurot ang kanyang pisngi. “Ang cute mo talaga, ’no?” dugtong ko pang papuri. Ngayon ko lang kasi napansin na may bakat pa pala ng duyan ang kanyang mukha. Halatang napasarap ang tulog niya sa buong magdamag.

Napayuko si Alexis na tila ba nakaramdam ng hiya.

“I-ikaw rin naman… G-gwapo ka… Ang ganda pa ng katawan… Para kang leading man sa mga pinapanood kong K-Drama…” papuri rin nito pabalik na hindi makatingin sa akin nang tuwid.

Umalingawngaw ang tawa ko sa buong bahay. Marami na akong papuring natatanggap tungkol sa physical features ko, pero iba sa pakiramdam kung kay Alexis nanggagaling ito. Parang sinabuyan ako ng maraming bulaklak dahil sa saya ko.

Sana, ganito na lang kami lagi. Masaya at walang problema.

Sana, puwede kong kontrolin ang lahat na maging pang-habang-buhay na.

CHAPTER IX

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Naging napakasaya ng bawat oras ko kasama si Alexis. Sa bawat araw rin na lilipas ay mas natututunan kong maging matatag dahil iyon ang itinuturo niya sa akin. Siya ang nagiging inspirasyon ko para magpatuloy at ’wag sumuko.

Alam na rin ng kanyang pamilya ang tungkol sa aking kalagayan at nasorpresa akong tulad ni Alexis, hindi ko naramdaman na may pagbabago sa kanilang pakikitungo. Sila pa ang nagpapalakas ng loob sa akin at inererekomenda ako sa mga grupo o asosasyon na maaaring makausap kung sakaling kailanganin ko. Mabuting paraan din daw iyon para may makilala akong mga bagong kaibigang malalapitan ko.

Inalagaan namin ni Alexis ang isa’t isa sa kabila ng kanya-kanya naming karamdaman. Nagagawa naming harapin ang takot dahil magkasama kami at magkahawak ang kamay.

Sa mga nagdaan din ay magkatabi kaming natutulog sa duyang ikinabit ko. Saksi ang bagay na ito sa masasaya at masasakit na sandali ng buhay naming dalawa. Mas nakilala namin ang isa’t isa dahil dito namin inihayag ang naging pamumuhay namin noong hindi pa kami magkakilala. Dito rin namin binuo ang aming mga pangarap sa kabila ng katotohanang ano mang oras ay may magpapaalam.

Ngunit tulad nga ng inaasahan, dahil sa aming kondisyon ay hindi nawawala ang masasakit na sandali tulad na lang ngayon.

Magkayakap at nakasakay pa rin kami sa duyan. Ngunit, ito na yata ang pinakamapait na sandali dahil sabay rin kaming inatake ng aming mga sakit.

“R-rex… D-dito ka lang, ha..?” pakiusap niya sa aking hirap na hirap.

Hindi ko ininda ang pagbaon ng kanyang mga kuko sa aking likod dahil sa matinding pagkapit nito. Alam kong gusto na niyang sumigaw dahil sa paghihirap, ngunit sinisikap niyang maging matatag sa aking harap.

“Ssshhh… Calm down, baby… Eepekto rin mamaya ang gamot mo…” pagpapakalma ko naman sa kanyang nanghihina at hinalikan ang noo nito.

Sa kabila ng mataas kong lagnat at matinding ubo dahil sa pagbaba ng aking resistensiya ay pinipilit kong maging normal. Kailangan niya ng mahuhugutan ng lakas kaya dapat din akong magpakatatag.

“Rex… Lumaban ka, ha..? Laban lang… Hhhnngghhh…” pagpapalakas pa nito ng loob sa akin sa kabila ng tinitiis niyang sakit ng katawan.

Nagbabadya nang pumatak ang aking mga luha dahil sa labis na pagkaawa, ngunit sinikap kong hindi iyon maganap.

Naririto siya at hinang-hina. Ang buong katawan ay halos puno na ng pasa, pero heto siya, ako pa rin ang iniisip niya.

“Laban lang, Alexis… Laban lang…” sagot ko lang sa kanya at hinalikan muli ang noo niya.

Ganito lang ang aking magagawa para mapakalma siya. Paulit-ulit ko ring hinahaplos ang kanyang likod sa pagbabaka sakaling mabawasan ang panginginig ng katawan niya. Sinasabayan ko rin ito ng taimtim kong dasal na sana ay makatulog na siya para hindi ko na makita ang paghihirap niya.

Tulad pa rin ng mga nakaraan, minuto at oras ang aking binibilang hanggang sa makatulog siya epekto ng gamot at sanhi ng labis niyang panghihina. Kulong pa rin siya ng aking bisig ay muli kaming nakatulog sa duyan na amin nang naging tahanan.

.

.

.

.

.

Hindi ko alam kung ilang oras ang lumipas na kami ay magkayakap upang makaipon ng lakas. Ang sigurado lang ako ay inabot na kami ng kinabukasan dahil sa matinding pag-atake ng sakit namin nang sabay.

Napangiti ako dahil nang mapagmasdan ko si Alexis ay nahihimbing pa rin ito. Ayaw ko man siyang abalahin sa kanyang pagpapahinga ay kailangan niya ring kumain para makainom ng gamot.

“Alexis, gising na…” malambing kong pagtawag sa kanya.

Hindi siya tumugon o nagpakita ng palatandaang magigising na siya. Kaya naman, hinalikan ko nang paulit-ulit ang kanyang pisngi sa pagitan ng aking bawat pagngiti.

“Alexis?”

“Baby, gising na…”

“A-alexis..?”

Ilang beses ko pa siyang tinawag at hinalikan ang kanyang pisngi, ngunit…

“Alexis?!! Alexis!!”

Parang tumigil sa pag-ikot ang aking mundo, dahil sa kabila ng sunod-sunod kong pagsigaw ay nanatiling walang kagalaw-galaw ito.

“Alexis!!!”

CHAPTER X

Dumating na ang sandali ng kinatatakutan ko. Unti-unti na akong sinusuntok ng reyalidad.

“M-malala na siya, Rex… Malala na ang kapatid ko…” nahihirapang pagbabalita sa akin ng ate ni Alexis.

Kasunod ng sinabi niyang iyon ay ang impit na pag-iyak ng kanyang mga magulang na nasa kanyang tabi.

Napasandal ako sa pader nitong kwarto dahil nakaramdam ng panghihina ang buong katawan ko. Nilingon ko si Alexis na ngayon ay nakaratay sa hospital bed at wala pa ring malay hanggang sa mga oras na ito. Maraming aparatos ang nakakabit sa katawan nito na siyang nagiging dahilan para lalo akong panghinaan.

Alam ko namang mangyayari ito dahil sa mabilis na takbo ng oras. Alam kong darating din ito ngunit ngayon ay tila nahihirapan akong matanggap.

May ilang minuto pa kaming nagtagal sa kwartong iyon hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataong makasama si Alexis.

Ngayon ay nakaupo ako sa kanyang tabi at marahang hinahaplos ang buhok nito. Pinipigilan ko ang aking mga luha tulad ng pangako ko sa kanyang magpapakatatag ako.

Lumipas ang marami pang oras ngunit hindi ako umalis sa tabi niya. Gusto ko siyang mabantayan. Gusto kong sa oras na magising siya ay ako ang una niyang mabubungaran.

“Gising na, baby… Iinom ka pa ng gamot…” malambing kong pakikipag-usap dito.

Para na akong nababaliw dahil kanina ko pa siya kinakausap. Inaasar ko pa minsan sa pagbabaka sakaling gigising siya at sisimangutan ako. Pero kahit anong gawin ko ay nanatiling nakapikit ang mga mata nito.

“Alexis, gising na… Sige ka, ’pag hindi ka uminom, hindi rin ako iinom ng gamot ko…” pagbabanta ko na rito.

Siguro nga ay ayaw niyang binibiro ko siya nang gano’n, dahil ilang sandali pa lamang ay naramdaman ko ang paghaplos ng isang kamay sa aking braso na nakalapat sa hinihigaan nito.

Napangiti ako nang malapad lalo na nang masilayan ko ang unti-unting pagbukas ng mga mata nito.

“Alexis!” tuwang-tuwa kong pagtawag dito.

Namutawi ang kanyang mumunting ngiti. Ngunit hindi tulad dati, tila hirap na siya itong gawin.

“R-rex…” nanghihina niyang bigkas sa aking pangalan.

Muli ay sinikap kong magkunwaring masaya sa kabila ng nakikita kong kondisyon niya. Matiyaga akong naghintay sa pagpapatuloy niya.

“S-sa tingin ko, oras na… H-handa na ako…”

Matapos niyang sabihin iyon ay nakita ko ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata.

CHAPTER XI

Hindi naman ako nakalimot. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na aabot kami sa ganitong punto. Pero ngayong dumating ito, parang gusto kong baguhin ang tadhana namin nito.

Kung kaya ko lang. Kung may kapangyarihan lang sana akong baguhin ang lahat.

Habang nasa tapat ng hospital bed na hinihigaan ni Alexis ay nagaganap ang isang dasal na pinangungunahan ng isang pari. Ako at ang pamilya ni Alexis ay nakatayo lamang sa tabi nito at taimtim na nananalangin. Pilit kaming nagpapakatatag sa kabila ng katotohanang oras na lamang ang aming bibilangin.

“R-rex… P-pagod na ako… Gusto ko nang magpahinga… Pakiusap… T-tawagin mo na sila…”

Hanggang ngayon ay naririnig ko pa rin ang pakiusap na iyan ni Alexis noong magising siya mula sa mahaba niyang pagpapahinga. Ito na rin ang hudyat ng aming kinatatakutan — ang tuluyan na niyang pamamaalam.

Sa nakalipas na ilang linggo ay mas lumala ang kanyang kondisyon. Hindi na tinatanggap ng kanyang katawan ang mga gamot. Malaki na rin ang kanyang ipinagbago. Mabilis na bumagsak ang kanyang timbang kaya halos buto’t balat na lamang ito. Kumupas na rin ang kanyang ngiti dahil nahihirapan na rin siyang gawin kahit ang bagay na iyon.

Nasa kalagitnaan pa lamang kami ng misa, ngunit habang nakikita ko ang kalagayan ni Alexis na tulala at nakaratay sa kama ay hindi ko na kinaya. Agad akong kumilos para lumabas nitong kwarto at iniwan silang lahat.

Nang maisara ko ang pintuan ay napasandal na lamang ako sa pader at padausdos na napaupo sa sahig nitong ospital. Kasabay nito ay inilabas ko ang mga luhang ilang linggo ko na ring pinipigilan. Naitakip ko rin ang aking mga palad sa aking bibig para pigilan ang boses ko mula sa paghagulgol.

Ang dami kong ‘bakit’? Bakit naging napakabilis? Bakit ipinakilala pa siya sa akin kung agad din itong babawiin? Bakit saglit lang ang panahon na nagkasama kami at naging masaya? Bakit kung kailan nabigyan niya ako ng pag-asa ay kailangan niya pang umalis?

Gulong-gulo na ako. Gusto kong masagot ang mga katanungan ko.

Nagtagal pa ako sa ganoong posisyon. Walang tigil sa pag-iyak dahil ngayon ko lang nailalabas ito. Nangako ako kay Alexis na hinding-hindi ako magpapakitang pinanghihinaan at hindi iiyak sa harap nito kaya sinamantala ko na rin dito.

Bahagya na lamang akong napatigil nang bumukas ang pintuan ng kwarto at iniluwa ang mga taong iniwan ko kanina sa loob.

“Rex, pinapatawag ka ng anak ko… M-may gusto raw siyang sabihin sa ’yo…” umiiyak na bungad sa akin ng Mommy nito.

Mabilis akong tumayo mula sa pagkakaupo at pinunasan ang aking mga luha. Kasunod nito ay niyakap ko nang mahigpit ang kanyang ina.

“Ikaw na ang bahala sa anak ko…” nasabi lang ng ginang habang humihikbi ito.

Marahang pagtango lang ang aking naisagot hanggang sa bumitiw na rin kami.

Ilang malalalim na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan bago ko pasukin ang kwarto. Inihanda ko ang aking sarili para magpanggap na namang normal sa harap ng taong naghihintay sa akin sa loob.

Mabigat ang aking mga paa habang nilalapitan si Alexis. Nakita ko kung paano niya sinubukang ngumiti habang nakatingin sa akin. Pinilit kong gantihan iyon sa kabila ng aking paghihinagpis.

“May gusto ka raw sabihin, baby..?” malambing kong tanong sa kanya habang magkalapit ang aming mukha. Hinahaplos ko rin ang kanyang buhok na alam kong gusto niyang ginagawa sa kanya.

“Mmmm…” nanghihina niyang sagot habang tumatango. “D-dalhin mo ako sa dagat, Rex… G-gusto kong balikan ang espesyal na lugar kung saan tayo nagsimula… D-doon sa lugar kung saan tayo unang naging masaya…” halos pabulong na niyang dugtong.

CHAPTER XII

(A/N:  Puwede n’yo po i-play ang song na nasa media para mas dama ang eksena. S ong title: Right Here Waiting - By: Richard Marx. Credits to the owner of the video.)


Mahabang biyahe man ang kinailangan naming gugulin ay naging matiyaga kaming lahat. Hawak lang nang mahigpit ang kamay ni Alexis ay pinilit kong magpakatatag. May takot man na hindi kami makaabot ay nababawasan iyon dahil nakikita namin kung paano si Alexis lumalaban.

Katulong ang kanyang Daddy ay ikinabit namin ang duyan sa pagitan ng malalaking puno na nakatayo malapit sa dagat. Dinaanan muna namin ito sa aming apartment bago kami magtungo sa aming espesyal na lugar.

Sakay ng duyan namin ni Alexis ay magkayakap kaming naghihintay sa paglubog na naman ng araw. Paulit-ulit kong hinahalikan ang kanyang noo habang hinahaplos ang buhok nito.

“R-rex..?”

“Hhhmmm…?”

Gusto nang pumatak ng aking mga luha ngunit sinikap ko itong pigilan.

“S-sa maikling pagsasama natin… Natutunan mo ba akong mahalin..?”

Lumunok muna ako dahil tila ba may nakabarang bagay sa nananakit na lalamunan ko.

“K-kapag sinabi ko bang ‘oo’, hindi ka na ba aalis..?” balik kong tanong at kinagat ko ang aking ibabang labi dahil sa nangingibabaw kong emosyon.

“H-hindi naman kita iiwan… Nangako ako sa ’yo, ’di ba..? Na kahit nasaan ako, babantayan pa rin kita…”

Dito ay hindi ko na nakontrol ang aking sarili. Hindi ko na napigilan ang mga luha kong mag-unahan sa pagbagsak at dumaloy sa aking mga pisngi.

Malinaw na sa akin. Kailangan ko nang tanggapin na desidido na siya sa kanyang pag-alis.

“Nangako kang hindi iiyak, ’di ba..?” paalala niya sa akin.

“S-sorry… I’m sorry…” lumuluha ko lang na sagot sa kanya.

Naramdaman ko ang malalim na pagbuntong hininga niya.

“P-pahawak nga sa mukha ng boyfriend ko..? G-gusto kong punasan ang mga luha niya…” pakiusap nito makalipas ang ilang sandali.

Inabot ko ang isa niyang kamay at dahan-dahan iyong inilagay sa aking pisngi. Mainit pa ang kanyang palad nang simulan niyang pahirin ang aking luha gamit ang kanyang daliri.

“Rex… S-salamat dahil sinamahan mo ako… M-masaya ako dahil… d-dahil nagkaroon ng katuparan ang mga pangarap ko… S-salamat sa pagdating mo…” nahihirapan niyang pagsasalita nang pabulong.

Nang marinig ko iyon ay natigilan ako saglit. Ngayon ay malinaw na sa akin. Nasagot na ang mga katanungan ko kanina kung ‘bakit?’.

Nangyari ang lahat sa maikling panahon dahil ako ang magiging susi sa katuparan ng isang pangarap. Nagtagpo kami ni Alexis para bigyang pag-asa at inspirasyon ang isa’t isa.

Sa kabila ng nakakalunod na lungkot ay nagawa kong mapangiti kahit paano. Napag-isip-isip ko, may silbi at purpose pa pala ako? Dahil tulad ni Alexis, may mga buhay pa akong maaaring baguhin. Iyon ang dahilan kung bakit siya ipinakilala at ipinagkaloob sa akin.

“Alexis…” pagtawag kong puno ng lambing. “Salamat, ha..? Salamat dahil ikaw ang nagmulat sa akin para maging positibo sa hinaharap… G-gusto kong malaman mo… Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko… At para masagot ang tanong mo kanina… Oo, mahal kita… Mahal na mahal kita at handa kong tuparin ang pangako at pangarap nating dalawa… Gagawin ko ’yon basta babantayan mo pa rin ako, ha..?” mahaba ko pang pagkumbinsi sa kanya.

“Mmmm… Pangako, Rex… Pangako…” nanghihina niya pa ring sagot ngunit ramdam kong nagawa ko siyang pasayahin.

Katahimikan na ang sumunod na nangyari. Pareho naming dinadama ang sariwang hangin. Nakatingin sa paglubog ng araw at naghihintay sa pagdilim ng langit.

“R-rex…” muli niyang pagtawag sa akin makalipas pa ang ilang sandali.

“Hhhmmm..?”

“I-inaantok ako… G-gusto kong matulog… P-pwede ka bang magkuwento hanggang sa makatulog ako..?”

Nang marinig ko ang pakiusap niyang iyon ay parang huminto ang oras. Napapikit ako dahil nagsimula na namang pumatak ang aking mga luha.

Natatakot ako. Takot na takot ako lalo na nang maramdaman ko ang pagbagal ng bawat paghinga niya dahil nakadikit ang dibdib nito sa katawan ko.

“A-ano bang… Ano bang gusto mong i-kuwento ko sa ’yo..?” humihikbi ko nang tanong sa kanya.

Naramdaman ko ang muli niyang pagpahid sa aking mga luha gamit pa rin ang daliri niya.

“K-kahit ano, Rex… K-kahit ano… G-gusto ko lang na marinig ang boses mo… Hanggang sa… H-hanggang sa makatulog ako…”

Gusto ko nang sumigaw. Gusto ko nang magmakaawa sa kanya na ’wag muna. Gusto kong hilingin sa Diyos na bigyan pa kami ng oras na magkasama. Pero sa mga oras na ito, mas nangingibabaw sa akin na mapagbigyan ang kahilingan niya.

Tumango ako nang marahan bilang sagot at humugot ng malalim na paghinga bilang paghahanda. Nag-isip nang mabuti kung saan magsisimula hanggang sa may pumasok sa akin na isang ideya.

“B-bukas… M-magsisimula ang panibagong araw, Alexis… Tulad ng pagsilip ng araw, gigising tayo nang may ngiti… Maghahanda ng almusal natin… Mamamasyal at sabay na mag-e-exercise… Manananghalian nang sabay at manonood ng paborito mong K-Drama hanggang sa abutin tayo ng gabi…”

Inilahad ko sa kanya ang aking mga plano. Lahat ng bagay na nakasanayan na naming gawin at mga planong hindi pa namin nagagawa nang magkasama.

“Magbibilang tayo ng linggo, buwan, at taon na magkasama… P-pagkatapos no’n… Siguro naman, tapos ka na sa pag-aaral mo, ’di ba..? P’wede na siguro kitang pakasalan dahil pag-iipunan ko talaga ’yon… T-tapos… Tapos, p’wede na siguro tayong mag-ampon..? Ano sa tingin mo..?”

Naramdaman ko ang kanyang marahang pagtango bilang sagot. Sinubukan ko siyang tingnan at nakita kong nakapikit na ang mga mata nito. Lalo nang naging doble ang aking takot kaya mabilis kong hinawakan ang kanyang kamay na nasa aking pisngi upang halikan nang paulit-ulit ang palad nito.

Sa kabila ng mas lumalakas kong paghikbi ay sinikap kong magpatuloy sa mga planong gusto kong mangyari kung siya ay mananatili.

“T-tapos… Tapos sisikapin kong makabili tayo ng bahay… G-gusto ko kasi… Gusto ko kasing malaki ang bahay para makapaghabulan tayo kasama ang mga anak natin… M-magiging masaya ’yon, ’di ba..? Ano sa tingin mo, Alexis..?” tanong ko at hinalikan muli ang palad niya.

Hindi siya tumugon ngunit ramdam kong naririto pa siya. Kasama ko pa siya dahil nararamdaman ko pa ang mabagal na pagtibok ng puso niya.

“T-tapos… Tapos, sabay rin nating ihahatid sa school ang mga anak natin… K-kakain tayo sa labas… Manonood ng sine… Mamamasyal… Maglalaro… Magsasay—”

“R-rex…”

Natigilan ako sa mahaba ko pa sanang pagkukuwento sa kanya. Mabilis din na nagdilim ang aking paligid nang mabitiwan niya ang aking pisngi at bumagsak ito sa aking balikat.

“M-mahal din kita… Rex… S-salamat sa lahat…”

Ang mga salitang iyan na lang ang huli kong narinig mula sa kanya hanggang sa hindi ko na maramdaman ang pagtibok ng puso niya.

Niyakap ko siya nang napakahigpit kasabay ng malakas kong pag-iyak dahil sa paghihinagpis.

“Alexis… H-hindi pa ako tapos… Matutulog tayo ng mga bata nang magkakatabi… Babasahan mo sila ng kwento… Makikinig lang kami sa ’yo… T-tapos no’n… Tapos, makakatulog tayo nang sabay-sabay sa malaking kamang hinihigaan natin…”

Natapos ang kabuuan ng aking mga plano sa malakas kong pagsigaw sa pangalan nito.

Dito sa lugar kung saan kami nag-umpisa.

Dito sa duyan na naging saksi sa masaya at mapait naming pagsasama.

Dito rin nagtapos ang sandali na kasama ko siya.

CHAPTER XIII

“Happy anniversary, Alexis…” pagbati kong nakangiti.

Pumikit ako habang dinadama ang sariwang hangin na itinatawid ng karagatan. Nagbabaka sakaling sa oras na gawin ko ito ay makita ko siya o kahit man lang maramdaman.

Isang taon. Halos isang taon ang nagdaan na naghihintay ako sa ngiti niyang gusto ko ulit masilayan. Halos isang taon na rin ang nakalipas magmula nang huli ko siyang maiugoy sa duyan.

Naimulat kong muli ang aking mga mata. Nagbalik ako sa pagkakatitig sa papalubog ngayon na araw. Naririto pa rin ako at nag-iisa sa dalampasigan.

“Kamusta ka na, baby? Nakikita mo ba ako ngayon? Masaya ka ba dahil tumupad ako sa mga pangako ko sa ’yo? Proud ka ba sa akin?” sunod-sunod kong tanong sa kanya at napangiti ako sa huli.

Sa kabila ng pagkawala ni Alexis ay naging matatag ako. Nagpatuloy ako sa buhay kahit pa sa bawat bagay na aking ginagawa ay siya ang naaalala ko.

Naging malaking impluwensiya siya sa akin. Ang tapang, katatagan at tiwalang kanyang ipinakita ang aking naging inspirasyon para malampasan ang malupit na nakaraan.

Sa tulong ng kanyang pamilya ay nagkaroon ako ng panibagong buhay. Ipinakilala nila ako sa mga organisasyong ang layunin ay tulungan kaming mga positibo sa HIV at AIDS. Tinuturuan nila kaming magpapatuloy sa aming mga buhay. Ibinabalik nila ang tiwala sa aming mga sarili upang makapagsimulang muli. Dahil din doon ay nakahanap ako ng mga bagong kaibigang mapagkakatiwalaan. Kaya heto, sa maikling panahon ay naging tagapagsalita na rin ako at nagbibigay aral sa mga biktimang tulad ko.

Siniguro kong tutupad ako sa mga pangako ko sa kanya. Kahit pa nakahanap na ako ng panibagong trabaho ay namuhay akong inaalagaan ang kalusugan. May sapat na tulog, regular na exercise, pagpapakonsulta sa doktor at pag-inom ng gamot, umiiwas sa negatibong bagay para hindi ma-stress, at maging ang aking kinakain ay binabantayan ko na rin.

Naging napakahirap noong una, ngunit sa bawat oras na nakikita ko ang imahe ni Alexis sa aking isip ay madali ko na ngayong nagagawa.

“Paramdam ka naman kahit ngayon lang! Anniversary naman natin, eh! Akala ko ba, babantayan mo ako kahit saan ka magpunta?” pakikipag-usap ko pa rin kay Alexis sa pamamagitan ng pagbulong sa hangin. “Sige ka, ’pag hindi ka pa rin nagparamdam, hindi na ako magpupunta rito! Aalisin ko na rin ang duyan natin sa kwarto!” pagbibiro ko pa sa kanya at hindi ko rin naiwasan ang matawa.

Na-miss ko ang ganito. Naiisip ko ang kanyang reaksyon tuwing pinagbabantaan ko siya tulad nito. Ang kanyang galit na ekspresyon ngunit sa huli ay susuko.

May ilang segundo pa akong nakatayo sa dalampasigan hanggang sa maramdaman ko ang pagtama ng tubig-dagat sa aking paang nakatapak sa buhanginan. Bahagyang nakakapaso ang init nito na kaiba sa mga naunang tumama sa aking balat.

Gumuhit ang malawak na ngiti sa akin nang tumungo ako dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Sa mismong tapat ko, nakita ko ang bakas at pares ng mga paa sa buhangin.

“Effective! Kailangan ka lang talagang takutin!” pakikipag-usap ko na ngayong natatawa kay Alexis.

Ilang segundo ko pang tinitigan ang bakas ng mga paang iyon habang patuloy na hinahaplos ng tubig. Matapos iyon ay nagdesisyon na rin akong magpaalam nang tuluyan itong mawala sa aking paningin.

Humahakbang ako palayo habang suot ang magandang ngiti ko.

Hindi pa katapusan ng mundo. Marami pang pwedeng mangyari. Marami pang bukas na darating at handa ko itong harapin.

Nagsisimula pa lamang ang aking kasaysayan. Pinapangako ko rin sa aking sarili, maraming taon pa ang aking bibilangin habang niyayakap ang tagumpay.

At tulad nga ng itinuro sa akin ni Alexis, anoman ang pagsubok na dumating ay magpapakatatag ako.

Magpapatuloy ako sa buhay at mananatiling…..

…. POSITIBO .

-WAKAS-


Return to top?